UMAPELA sa publiko ang Makabayan bloc sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na makiisa sa mga aktibidad sa mga susunod na araw para igiit sa mga senador na ituloy ang paglilitis kay Vice President Sara Duterte.
Ginawa nina ACT Teacher party-list Rep. France Castro, Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas at Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel ang panawagan kasunod ng draft resolution ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na layong i-dismiss ang impeachment case ni Duterte nang walang paglilitis.
“The time for accountability has come. We cannot allow public officials to waste taxpayers’ money with impunity. Ang mga Pilipino ay nararapat na makakita ng hustisya laban sa mga opisyal na sumusuway sa batas at nagwawaldas ng pondo ng bayan,” ani Castro.
Ipinaliwanag ng mambabatas na mapanganib ang inaasta ni Duterte at maging ang pang-aabuso nito sa kaban ng bayan at pagbabalewala sa mga institusyon kaya dapat aniyang litisin ito sa Impeachment Court.
Sa June 11, Miyerkoles ay iko-convene na ang impeachment court at babasahin sa plenaryo ang 7 articles of impeachment laban kay Duterte subalit nangangamba si Brosas na hanggang dito lamang ang aabutin ng proseso lalo na kung aaprubahan ng Senado ang resolusyon ni Dela Rosa.
Dahil dito, sinabi Brosas na magsasagawa ang mga ito ng malawakang kilos protesta sa mga susunod na araw para igiit sa mga senador na gampanan ang kanilang tungkulin na panagutin ang mga abusadong opisyales ng gobyerno.
“As women leaders, we condemn VP Duterte’s violent language and her betrayal of public trust. Kailangan nating ipakita na dapat managot ang may kasalanan, kahit sino pa yan,” ayon pa kay Brosas.
Sinabi naman ni Manuel na hindi papayag ang mga kabataan na hindi panagutin ang mga tulad ni Duterte dahil lalong lalala ang korupsyon sa gobyerno at karahasan ng mga nasa puwesto.
“Hindi natin dapat hayaang maging normal ang mga banta ng karahasan at korupsyon sa gobyerno. Sama-sama nating ipaglaban ang accountability at transparency sa gobyerno.
Ang impeachment trial ni VP Duterte ay hindi lamang legal na proseso – ito ay pagsubok sa demokrasya,” ani Manuel.
Guguho Respeto Sa Senado
Tuluyang guguho ang respeto ng sambayanang Pilipino sa Senado kapag hindi nila nilitis si Vice President Sara Duterte at absweltuhin na lamang ito sa kanyang mga kaso.
Ito ang nakikitang senaryo ni Mamamayang Liberal (ML) party-list Representative-elect Leila de Lima lalo na’t dumarami ang interesado sa nasabing usapin kumpara noong ma-impeach pa lamang ng Kamara si Duterte.
“Im afraid that this going to be an erosion of public trust in the Senate as an institution. Maraming aalma dyan, marami pong mawawalan ng, I may say respeto sa Senado bilang institusyon which is very sad, it is so unfortunate,” ani De Lima.
Ipinaliwanag ng mambabatas na malinaw ang Saligang Batas na hiwalay ang legislative work ng Senado sa Impeachment Court subalit may mga senador umano na pinapalabo ito upang maisalba lamang si Duterte.
“Ang kanilang mindset ngayon ay isalba yung lilitisin so they might come up with such things (mga palusot). They don’t care anymore….” ayon pa kay De Lima na dating miyembro ng Mataas na Kapulungan.
Unang itinakda ang pag-convene sa Impeachment Court noong June 2, subalit inurong ito sa June 11 bagay na inalmahan ng mga tao at lalong lumakas ang pangambang hindi na lilitisin si Duterte dahil sa resolusyon ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na idismiss ang kaso nang walang gagawing paglilitis.
Dahil dito, napukaw aniya ang interes ng iba’t ibang sektor ng lipunan, tulad ng mga abogado, mga taong simbahan, estudyante, mga gumawa ng 1987 Constitution at iba pang grupo na pawang umalma sa senaryong inilutang sa Senado.
(BERNARD TAGUINOD)
