SOLONS MAY 5-ARAW PARA PAG-ARALAN ARTICLES OF IMPEACHMENT LABAN KAY VP SARA

BIBIGYAN ng sapat na panahon ang lahat ng 318 miyembro ng Kamara upang basahin at pag-aralan ang mga articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte bago ang inaasahang plenary vote sa Mayo 11.

Ayon kay House Committee on Justice Chairperson Gerville Luistro, mahalagang mabigyan ng “reasonable time” ang mga mambabatas bilang bahagi ng due process.

Ipinaliwanag ni Luistro na kapag naibalik na sa plenaryo ang usapin mula sa Committee on Rules, agad na ipamamahagi ang kopya ng articles sa lahat ng miyembro ng Kamara, sa Pangalawang Pangulo bilang respondent, at sa mga complainant.

“After ma-refer back to the plenary, the plenary should direct the Secretary General to provide copies to all the House members,” ani Luistro.

Mula rito, magkakaroon ng limang araw ang mga mambabatas upang suriin ang mga dokumento at ebidensya bago ang botohan.

“So if that will happen today, then we have Wednesday, Thursday, Friday, Saturday, Sunday. I think five days is a reasonable period,” dagdag niya.

Samantala, sinabi ni Senior Deputy Majority Leader Lorenz Defensor na sadyang masusi ang proseso ng impeachment upang matiyak na kumpleto ang batayan ng bawat mambabatas.

Aniya, binibigyan din ng sapat na pagkakataon ang respondent na sagutin ang mga alegasyon laban sa kanya.

(TINA MENDOZA)

45

Related posts

Leave a Comment