RESPONSE CAPABILITY NG MANILA’S FINEST MAS PINALAKAS

MAS pinalakas pa ang response capability ng Manila’s Finest sa pamamagitan ng karagdagang motorsiklo na magagamit ng mga tauhan nito sa pagpapatrolya sa mga lansangan ng lungsod ng Maynila.

Tinanggap ni Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso at MPD District Director P/Brig.General Arnold Santiago, ang nasabing mga karagdagang motorsiklo mula sa Chiang Kai Shek College para sa Manila Police District o MPD.

Ayon kay Domagoso, umabot na sa humigit-kumulang 60 motorsiklo ang kabuuang donasyon kasama na ang bagong 20 units mula sa pribadong sektor na layong palakasin ang mobility at response capability ng MPD.

Sinabi ni Domagoso, agad na gagamitin ang mga motorsiklo sa operasyon sa ilalim ng pamumuno ni Santiago.
Tiniyak din ng alkalde sa mga donor na ang mga motorsiklo ay istriktong gagamitin para sa kaligtasan ng publiko at pinasalamatan din ang Chiang Kai Shek College sa patuloy nilang pagtitiwala sa MPD.

Isinagawa ng Chiang Kai Shek College ang turnover sa mga motorsiklo sa pangunguna nina Honorary Chairman of the Board of Trustees Johnson Tan, Treasurer Eduard Tio, Auditor Margarita Go, College President Dr. Judelio Yap, Vice President Dr. Rolance Chua, at Director for Institutional Advancement and Development Margaret Salvador.

Tiniyak ni Domagoso na gagamitin ang mga donasyon para sa pampublikong kaligtasan.

(JOCELYN DOMENDEN)

91

Related posts

Leave a Comment