SOLONS NA NANGGISA KAY VP SARA LAGLAG

MISTULANG minalas ang ilang kilalang miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na gumisa kay Vice President Sara Duterte matapos mabigo ang mga ito na muling mahalal sa kanilang tinakbuhang posisyon sa nakaraang eleksyon.

Nabigo sina Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas at ACT-Teacher party-list Rep. France Castro sa kanilang senatorial bid matapos pumuwesto sa ika-33 at ika-40, ayon sa pagkakasunod, base sa partial at unofficial result sa senatorial race.

Bigo rin si Manila Rep. Bienvenido Abante Jr., na makabalik sa 20th Congress na magsisimula sa June 30, 2025 matapos talunin ni incoming Manila 3rd District Congressman Joey Uy.

Si Abante ay aktibo sa imbestigasyon, hindi lamang sa Quad Committee kundi maging sa House committee on good government and public accountability sa intelligence and confidential funds (CIF) ni Duterte.

Kasama rin sa nabigong makahirit ng panibagong termino ang isa sa mga kritiko ng mga Duterte na si outgoing Taguig City Rep. Amparo Mariano “Pammy” Zamora matapos itong matalo kay Jorge Daniel Bocobo.

Hindi rin umubra si Ako Bicol party-list Rep. Jill Bongalon sa anak ni dating congressman Edcel Lagman na si Krisel Lagman sa Unang Distrito ng Albay sa nakaraang eleksyon habang nanganganib naman na hindi makakuha ng upuan si 1Rider party-list Rep. Rodrigo Gutierrez.

Si Bongalon ay kabilang sa House prosecutor ng Kamara sa Impeachment trial ni Duterte na hindi pinalad makabalik sa 20th Congress kasama si General Santos City Rep. Loreto Acharon kaya papalitan ang mga ito nina Malayang Liberal party-list Representative-elect Leila de Lima at Akbayan party-list Representative-elect Chel Diokno.

Samantala, bagama’t hindi Congressional race ang sinalihan noong nakaraang eleksyon hindi rin pinalad sina outgoing Marikina Rep. Stella Quimbo matapos matalo kay Maan Teodoro bilang alkalde ng Marikina.

Ganito rin ang kapalaran ni outgoing House Majority Leader Manuel Jose Dalipe matapos talunin ni Khymer Adan Olaso sa mayoralty race sa Zamboanga City.

Hindi rin sinuwerte si Laguna Rep. Dan Fernandez sa kanyang governatorial bid sa Laguna matapos manalo sa nasabing posisyon si dating Laguna Rep. Sol Aragones.

Ilan lamang ang mga ito sa administration congressmen na kilalang mga kritiko ng pamilyang Duterte.

(PRIMITIVO MAKILING)

83

Related posts

Leave a Comment