KAYO ba ay banas na sa hindi maayos na kable na kuryente, telepono, internet at iba pa na ‘masakit sa mata’ at kung minsan ay nagiging dahilan ng disgrasya?
Malapit na itong maresolba matapos aprubahan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukala na pagmultahin ang mga may-ari ng mga kableng ito ng hanggang P2 million kung hindi ito aayusin.
Sa pamamagitan ng viva voce voting, lumusot na sa ikalawang pagbasa ang House Bill (BH) 8202 “Proper Installation and Maintenance of Overhead Electric Distribution and Communication Lines Act”.
Ayon sa isa sa mga may-akda sa nasabing panukala na si Baguio City Rep. Mark Go, naging karaniwang tanawin na sa urban centers ang sala-salabat at mabababang electric at cable wires na nagiging eyesore o ‘masakit sa mata’.
Bukod dito, nagiging sanhi rin umano ng disgrasya ang hindi maayos na kable ng kuryente at telepono tulad ng nangyari sa isang 13-anyos na bata sa Barangay Tinago, Cebu City noong 2015 na namatay matapos mabagsakan ng poste ng PLDT dahil mistulang spaghetti umano ang kableng nakakabit dito.
Noong Nobyembre 2014 naman umano, isang estudyante sa University of Sto. Tomas, isang hotel employee at isa pang mag-aaral sa Far Eastern University (FEU) ang nakuryente na ikinamatay ng dalawa sa mga ito.
“The numerous cases of similar and the public outcry from residents and motoring in urban centers must lead us to intervene in fixing this problem which has become prevalent across the country,” ani Go sa kanyang panukala.
Agad namang nakapasa sa Committee on Information and Communication Technology ang nasabing panukala at pinagtibay ito sa ikalawang pagbasa sa plenaryo ng Kamara.
Kapag tuluyang naging batas ang panukalang ito, kailangang ayusin ng mga may-ari ng mga kableng ito, ang pagkakabit upang hindi ‘masakit sa mata’ ng mga tao, at dapat magkaroon ng regular maintenance.
Kung hindi nila ito magagawa ay pagmumultahin sila ng mula P250,000 sa unang paglabag, P500,000 hanggang P1 million sa ikalawang paglabag at P2 million sa ikatlong paglabag. (BERNARD TAGUINOD)
