HINDI nakakainip ang unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na pinalakpakan ng 85 beses at ilan sa mga isyung inilatag nito ay tumanggap pa ng standing ovation.
“It was a data-driven SONA. Others before him had used words to conjure the future. He painted it using numbers. And that makes his SONA brave, not boring,” pahayag ni Batangas Rep. Ralph Recto.
“May resibo ang mga pangako. Hindi motherhood statements, but calculable key result areas,” dagdag pa ni Recto lalo na sa larangan ng ekonomiya sa unang bahagi ng ulat sa bayan ng pangulo.
Sinabi naman ni Davao City Rep. Isidro Ungab na determinado si Marcos na maiangat ang lahat ng sektor ng lipunan partikular na ang agrikultura.
“Kita natin ang kanyang determinasyon na maiangat ito at mabigyan ng tulong ang mga magsasaka– At ang tugon ng Kongreso dito ay ang mabilisan pagsasabatas upang maisagawa ang planong tulong sa mga magsasaka at mai-promote ang agriculture industry,” ani Ungab.
Standing ovation
Hindi lamang pinalakpakan kundi nagtayuan pa ang mga kongresista’t senador nang sabihin ni Marcos ang planong magtayo ng mga specialty hospital sa mga lalawigan tulad ng Heart Center, Lung Center, Children’s Hospital at National Kidney and Transplant Institute (NKTI).
“Napakinabangan natin nang husto ang malalaking specialty hospitals gaya ng Heart Center, Lung Center, Children’s Hospital at National Kidney and Transplant Institute. Kaya maliwanag sa atin na hindi lang dapat dito sa National Capital Region, kundi maging sa ibang parte ng bansa kailangang magdagdag ng ganitong uri ng mga pagamutan,” ani Marcos.
Sa isyu ng foreign policy, sinabi ni Marcos na wala siyang planong abandonahin kahit isang pulgada sa teritoryo ng Pilipinas na tumanggap din ng standing ovation sa plenaryo ng Kamara.
“On the area of foreign policy, I will not preside over any process that will abandon even a square inch of territory of the Republic of the Philippines to any foreign power,” ani Marcos.
Hindi lingid na inaangkin ng China ang halos lahat ng teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS) kung saan ilang reef na ang tuluyan nilang inokupahan at tinayuan ng military facilities.
Sinabi ng Pangulo na nirerespeto nito ang lahat ng bansa at nais niyang maging kaibigan ng Pilipinas ang lahat at maayos na kapitbahay aniya ang mga Pinoy na handang makipag-usap kung may hindi pagkakaunawaan.
“After all, that is THE FILIPINO WAY. But we will not waver. We will stand firm in our independent foreign policy, with the national interest as our primordial guide,” ayon sa pangulo. (BERNARD TAGUINOD)
188 