INAASAHAN na ng Office of the Vice President (OVP) na matitigil na nito ang pagbibigay ng medical at burial assistance ngayong taon dahil hindi ito napondohan sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act (GAA).
Sinasabing mula January hanggang December 2024, nakapagbigay ang programa ng mahigit sa P822 milyong halaga ng financial assistance para sa kabuuang 187,028 benepisaryo.
“Since there’s no line item under 2025 General Appropriations Act for Financial Assistance / Subsidy, the Office of the Vice President has no fund to implement the medical and burial assistance program,” ang sinabi ng OVP.
Dahil dito, humingi ng paumanhin ang Office of Vice President Sara Duterte sa publiko “for the inconvenience.”
Matatandaang, tinintahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukalang P6.352-trillion national budget para sa 2025 noong Disyembre 30 ng nakaraang taon.
Nangyari ang pagpirma ni Pangulong Marcos upang maisabatas ang General Appropriations Act (GAA) for Fiscal Year (FY) 2025, sa Ceremonial Hall sa Malacañang Palace matapos ang programa para sa paggunita ng “Rizal Day.”
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Pangulong Marcos na inatasan niya ang pag-veto sa mahigit P194 billion halaga ng line items na hindi umano naka-align sa mga prayoridad na programa ng kanyang administrasyon.
“This budget reflects our collective commitment to transforming economic gains into meaningful outcomes for every Filipino. It is designed not just to address our present needs but to sustain growth and to uplift the lives of generations that are yet to come,” aniya pa rin.
Samantala, sinabi ni VP Sara na maaaring maapektuhan ng pagtapyas sa 2025 budget ng OVP ang ilang proyekto ng OVP partikular na ang ‘free bus rides at financial assistance’ na ipinagkaloob sa kanilang satellite offices.
Gayunman, ipinagpatuloy pa rin ng mga satellite office ng OVP ang kanilang trabaho at tungkulin hanggang noong December 31, 2024, subalit binigyang diin na hindi siya sigurado kung paano ang operasyon ay magbabago ngayong 2025.
Tinuran ni VP Sara na may 200 OVP personnel ang maaaring mawalan ng trabaho dahil sa nangyaring pagtapyas sa budget. (CHRISTIAN DALE)
