TINIYAK ni SENATE President Vicente Sotto III na handa siyang ipakita sa publiko ang kanyang pagpapabakuna kontra COVID-19.
Layon nito na mabigyan ng kumpiyansa ang publiko sa vaccination program.
Kasabay nito, nangako si Sotto na makikipagtulungan para sa information dissemination drive para sa bakuna.
Sinabi ni Sotto sa pamamagitan ng pagbibigay ng tamang impormasyon at pagtiyak sa publiko na ligtas ang bakuna saka lamang mawawala ang duda ng publiko.
“Lead by example. Iyan ang gusto kong gawin. Kung makikita ng ating mga kababayan na handa ang kanilang mga lider na magpabakuna sa kabila ng malawakang pagdududa kung ang mga bakuna ba ay epektibo o hindi, malamang ay ma-engganyo ang nakararami na makilahok sa vaccination program ng Malakanyang,” saad ni Sotto.
“Hanggang ngayon ay punong-puno pa rin ng alinlangan ang ating mga kababayan kung epektibo nga ba ang mga binibiling bakuna ng Department of Health. Marami pa rin ang nagdadalawang-isip kung sila ba ay magpapabakuna o hindi ,” dagdag ng senador.
Samantala, kinumpirma rin ng kampo ni Senador Manny Pacquiao na handa ang boxing champ na magpabakuna in public subalit kailangan lamang nilang ikonsidera ang ilang isyu na posibleng makaapekto sa susunod niyang professional fight.
Una na ring nagkumpirma si Senador Grace Poe na handang magpabakuna sa sandaling maging available na sa bansa ang vaccine. (DANG SAMSON-GARCIA)
192
