SOUTH AFRICAN SYNDICATE SINISILIP NG PNP-AVSEGROUP SA DRUG SMUGGLING

TINITINGNAN ng PNP-Aviation Security Group (AVSEGROUP) ang posibilidad na may sindikato mula South Africa na nasa likod ng sunod-sunod na pagkakaaresto ng mga drug courier sa bansa.

Ayon kay AVSEGROUP spokesperson Lt. Col. Harold Tosino, magkakapareho ang modus operandi ng mga nahuhuling suspek na nakatago ang ilegal na droga sa backpack o maleta.

Napag-alaman na ang mga naarestong dayuhan ay nagmula sa Johannesburg, South Africa bago dumating sa Pilipinas.

Kabilang sa mga nahuli ang isang German national, isang South African at isang Pinay. Noong Enero, may nauna ring South African national na naaresto na may kaparehong estilo ng pagtatago ng droga.

Dahil sa iisang pinanggagalingan at magkakatulad na galawan, masusing iniimbestigahan ng pulisya ang posibilidad na iisang sindikato ang nasa likod nito. Posible rin umanong maituring na “red flag” country ang pinanggagalingan batay sa source ng ilegal na droga.

Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang iba pang kasabwat at ang posibleng tatanggap ng mga kontrabando sa bansa.

Nilinaw ng PNP na lahat ng dumarating na pasahero at parcel ay sumasailalim sa mahigpit na inspeksyon bilang bahagi ng pinaigting na kampanya kontra droga.

(TOTO NABAJA)

2

Related posts

Leave a Comment