SOUTH UPI MAYOR, ASAWA INARESTO SA AMBUSH SA VICE MAYOR

WALANG piyansang inirekomenda para sa pansamantalang kalayaan ng dinakip na isang Maguindanao del Sur mayor at asawa nito matapos silang silbihan ng arrest warrant ng mga tauhan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group dahil sa umano’y kaugnayan nila sa 2024 ambush na ikinamatay ng isang vice mayor at security aide nito.

Nasaktan din sa pananambang si Barangay Chairperson Analyn Benito, maging ang asawa ng napaslang na vice mayor at ang 11-anyos na anak bunsod ng mga tama ng punglo.

Inaresto ng PNP-CIDG sina South Upi, Maguindanao del Norte Mayor Reynalbert Insular at ang kanyang maybahay na si Janet.

Ayon sa CIDG, inaresto sa joint law enforcement operation si South Upi Mayor Reynalbert Insular at asawa nitong si Janet sa Barangay Making sa Parang, Maguindanao del Norte noong Miyerkoles.

Ayon kay CIDG chief Maj. Gen. Nicolas Torre III, lumabas ang warrant noon pang Mayo 19, 2025.

Nabatid na naglabas ng warrant of arrest ang Cotabato City Regional Trial Court Branch 27 para sa kasong murder, frustrated murder at attempted murder laban sa mga suspek.

Ang dalawa ay sinasabing kabilang sa 12 akusado sa ambush at sinasabing “masterminds” sa pagpaplano at pagsasagawa ambush kay Vice Mayor Roldan Benito at security aide nitong si Weng Marcos, sa Sitio Linao sa Barangay Pandan sa South Upi, Maguindanao del Sur noong Agosto 2, 2024.

Isang special investigation task group ang binuo upang siyasatin ang naturang krimen.

(JESSE KABEL RUIZ)

52

Related posts

Leave a Comment