SIBAK sa tungkulin ang kontrobersyal na si Southern Police District (SPD) Director Police Brig. Gen. Nolasco Bathan dahil umano sa kabiguang masawata ang ilegal na sugalan sa kanyang nasasakupan.
Hindi umano nakasunod ang heneral sa direktiba ni PNP Chief Archie Gamboa na linisin ang lahat ng mga komunidad laban sa lahat ng uri ng kriminalidad at ilegalidad. Maging sa kanilang hanay sa PNP ay tuluy-tuloy rin ang ‘pagpupurga’.
Isang buwan pa lang ang nakalipas nang maging kontrobersiyal si Gen. Bathan matapos agawin ang cellphone ng GMA TV reporter na si Jun Veneracion habang nagco-cover ito sa Traslacion ng Itim na Nazareno sa Maynila at sa mahigpit niyang implementasyon ng seguridad at kaayusan ng mga daraanan ng mga deboto.
Samantala, dalawang hepe ng pulisya ng mga lungsod na nasa ilalim ng pangangasiwa ni Bathan ang inalis din sa puwesto; sila ay sina Pasay City police chief, Col. Bernard Yang at Muntinlupa City police chief, Col. Gerardo Umayao.
Habang sinusulat ang balitang ito ay wala pang inaanunsiyo si NCRPO director Police Maj. Gen. Debold Sinas na makakapalit ng mga sinibak na opisyal. DAVE MEDINA
145