SPEAKER DY, 3 DATING SPEAKER NAGPUGAY SA YUMAONG GOV. DAX CUA

PINURI ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III at tatlong dating Speaker ng House of Representatives ang yumaong Quirino Governor Dakila Carlo “Dax” Cua bilang mahusay na mambabatas, tapat na lingkod-bayan at mapagkumbabang lider sa isinagawang necrological service sa House of Representatives.

Sa kanyang eulogy, binigyang-diin ni Speaker Dy na sa buong karera ni Cua bilang bise gobernador, gobernador at kinatawan ng nag-iisang distrito ng Quirino sa Kongreso, palagi nitong inuuna ang kapakanan ng kanyang mga kababayan kaysa sa sarili.

“Sa tuwing nagkakausap kami, ang mga ipinaglalaban niya ay hindi para sa kanyang sarili. Laging para sa Quirino. Laging para sa kanyang mga kababayan,” ani Dy.

Binanggit din ni Speaker Dy ang personal na hiling ni Cua para sa tulong sa pagtatapos ng isang sports facility sa Quirino at nangakong ipagpapatuloy ng House of Representatives ang mga programa at proyektong ipinaglaban ng yumaong gobernador para sa kanyang lalawigan.

“Kaya Dax, saan ka man naroroon ngayon, gusto kong malaman mo na narinig ko ang iyong hiling. At hindi natin hahayaang matapos ang iyong paglilingkod kasabay ng iyong pagpanaw,” ani Dy.

Ibinahagi rin ni Dy ang kanyang karanasang makasama si Cua sa isang pagpupulong ng Legislative-Executive Development Advisory Council, kung saan tinalakay nila ang Local Government Code at iba’t ibang isyu sa lokal na pamamahala.

Ayon kay Dy, nauunawaan ni Cua na nagiging makabuluhan lamang ang pamahalaan kapag nararamdaman ng mga mamamayan ang epekto nito sa kanilang pang-araw-araw na buhay.

“Hindi sapat na may batas. Hindi sapat na may budget. Hindi sapat na may programa. Ang tunay na tanong ay nararamdaman ba ito ng ating mga kababayan?” ani Dy.

Sinabi rin ng Speaker na kinikilala ng mga taga-Quirino si Cua hindi lamang dahil sa kanyang pagiging gobernador, kundi dahil sa pagiging mapagkumbabang lider na marunong makinig sa mga taong kanyang pinagsilbihan.

Samantala, binalikan ni dating Pangulo at dating Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang husay ni Cua sa economic policy, partikular noong nagsilbi itong chairman ng House Committee on Ways and Means.

“Dax had both, command of the numbers and empathy,” ani Arroyo.

Partikular na binanggit ni Arroyo ang naging papel ni Cua sa panukalang Tax Reform for Attracting Better and High Quality Opportunities o TRABAHO law noong panahon ng kanyang Speakership, na naglalayong ayusin ang fiscal incentives habang unti-unting ibinababa ang corporate income tax.

Ayon kay Arroyo, itinuro ni Cua na mataas ang 30 porsiyentong corporate income tax ng Pilipinas kumpara sa 20 porsyento ng Cambodia, Thailand at Vietnam, kaya isinulong sa panukalang-batas ang unti-unting pagbaba nito hanggang 20 porsyento.

Binalikan naman ni dating Speaker Feliciano “Sonny” Belmonte Jr. ang mahabang serbisyo ni Cua sa pamahalaan, na nagsimula noong 23 taong gulang pa lamang siya bilang pinakabatang bise gobernador sa bansa.

“For a quarter of a century, he poured his youth, his brilliant mind, and his massive heart into lifting up others,” ani Belmonte.

Binanggit din ni Belmonte ang mga naging kontribusyon ni Cua sa Quirino, kabilang ang “I Love Quirino” movement, Q-LIFE livelihood program at pagtatatag ng Quirino State University.

Higit sa mga proyekto at tagumpay nito, sinabi ni Belmonte na maaalala niya si Cua sa paraan ng pakikitungo nito sa ibang tao.

“Gov. Dax was a gentle giant. Despite his towering stature and powerful intellect, he was fundamentally unassuming, grounded, and deeply humble,” ani Belmonte.

Samantala, binalikan ni dating Speaker Pantaleon Alvarez ang katalinuhan at kabaitan ni Cua.

“What’s truly impressive about Dax, however, is that he’s confident but unassuming. He was smart, but not arrogant,” ani Alvarez.

Kabilang din sa nagbigay-pugay kay Cua sina Senador JV Ejercito, Majority Leader Sandro Marcos, Marikina Rep. Miro Quimbo, Cabinet Secretary Benjamin Abalos Jr., Education Secretary Juan Sonny Angara, Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III, Energy Secretary Sharon Garin, Ambassador Nico Barito, dating PBA Party-list Rep. Mark Aeron Sambar, Dingdong Dantes, at ang ama ni Cua na si dating Quirino Rep. Junie Cua at pamilya nito.

Pumanaw si Cua sa edad na 48.

(TINA MENDOZA)

74

Related posts

Leave a Comment