NAPIGIL ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Filipina na itinuturing na posibleng biktima ng human trafficking na may kaugnayan sa isang pinaghihinalaang surrogacy scheme sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
Sa ulat na isinumite kay BI Commissioner Joel Anthony M. Viado ni Jerica Ann Arsola, hepe ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) ng BI sa NAIA Terminal 3, sinabi na unang sinabi ng pasahero na pupunta siya sa Thailand para sa pitong araw na bakasyon.
Gayunman, dahil sa hindi pagkakatugma ng kanyang mga pahayag, ini-refer siya ng primary immigration officer sa I-PROBES para sa karagdagang beripikasyon.
Sa isinagawang secondary inspection, isiniwalat ng babae na ang tunay niyang destinasyon ay Georgia, kung saan makikipagkita siya sa isang Chinese national na kinilalang “Luca,” na nakilala lamang niya sa pamamagitan ng WhatsApp.
Ayon sa pasahero, ipinakilala sa kanya si Luca ng isang Filipina na tinukoy bilang “Aubrey.”
Isiniwalat din ng pasahero na inalok siya ng surrogacy arrangement na umano’y magbibigay sa kanya ng US$400 kada buwan habang nagbubuntis, bukod pa sa karagdagang US$600 matapos manganak.
Narekober din ng mga tauhan ng I-PROBES ang Georgia e-visa at itinerary na nagpapakitang mula Bangkok ay tutuloy ang pasahero sa Georgia sa pamamagitan ng Shanghai, China. Nagdulot ito ng karagdagang pagdududa sa tunay na layunin ng kanyang paglalakbay.
Dahil dito, ini-refer at kalaunan ay itinurn-over ang pasahero sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa karagdagang pagsusuri, imbestigasyon at kaukulang aksyon.
Pinuri naman ni Commissioner Viado ang pagiging mapagmatyag ng mga immigration personnel sa NAIA na nakapansin sa hindi magkakatugmang pahayag ng pasahero at agad na nagsagawa ng kaukulang referral.
(JOCELYN DOMENDEN)
78 