Speaker Velasco hinamong magpakatotoo 2021 BUDGET PARA SA SOLONS PROJECTS HINDI SA COVID?

KUNWARI lang na covid responsive ang 2021 national budget dahil kung hihimayin ito ay sasabog ang P28.35-B insertions na ginawa ng House of Representatives para sa kanilang favorite projects na ipinaloob sa infrastructure budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) habang P2.5-B lang ang ginarantiyang pondo para sa pagbili ng covid vaccine.

Ganito ang tingin ni Sen. Panfilo Lacson sa ipinasang budget ng Kamara sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Lord Allan Velasco.

Kaya naman umapela si Lacson kay Pangulong Rodrigo Duterte na i-veto ang P28.35-B isiningit na pondo ng Kamara gayundin ang iba pang mga double and overlapping appropriations kabilang na ang 793 line items na may pondong P1-M hanggang P2-M bawat isa.

Sinabi ni Lacson na ito rin ang panawagan ni DPWH Secretary Mark Villar dahil kalimitang hindi nalalaman ng DPWH ang mga isiningit na proyekto at nagugulat na lamang ang ahensya na may pondo sa General Appropraitions Act (GAA) ang infrastracture project na hindi naman nila plinano, iyon pala ay pet project ng isang kongresista.

“Ang Senado kasi at House ay hindi dapat involved sa planning, kami nagbibigay lang ng authorization dun sa agencies na gumastos at pagkatapos nito ay oversight function, ang nangyayari even sa National Expenditures Program (NEP) nakakapagsingit na ang mga legislator, yung mga listo at mga makikisig na congressman na may koneksyon ay ginagamit ang kanilang posisyon para iharass ang agencies na gusto nilang pakialaman ang budget, sobra na ang pakikialam ng mga lawmakers sa budget,” paliwanag ni Lacson.

Aminado si Lacson na ang malalaking pondo na singit sa 2021 budget ay walang ibang dahilan kundi para magamit sa eleksyon.

“Yung budget taxpayers money yan, matagal lang ma-educate ang taumbayan sa isyu na ito, ang nakikita lang nila yung short term na pakinabang, gaya kapag eleksyon yung binibigay na P500 at P1,000 ni congressman o senador, hindi nila nakikita ang long-range implication, yung 3 taon na binoto nila eh sinasalbahe naman sila,” dagdag pa ni Lacscon.

Samantala, hindi nagustuhan ni Lacson ang naging paliwanag ni Senate Finance Committee Chairman Sen. Sonny Angara na pinalusot din sa Bicam ang mga budget insertion na ginawa ng Kamara dahil kapos na ang oras.

“Well I cannot accept that as a reason. Kaya namimihasa ang Kamara, ginagawang hostage ang budget, kung ganun na lang lagi ay vicious cycle na ito. Taon-taon na lang pagbibigyan ang kapritusahan ng mga congressman para hindi ihostage ang budget,” ani Lacson.

Umaasa si Lacson na hindi hahayaan ni Pangulong Duterte na manaig ang “whims and caprices” ng mga kongresista, gaya ng ginawang pag-veto noon sa P95-B na isiningit sa 2019 budget sa ilalim ni dating House Speaker Gloria Macapagal Arroyo ay ito rin ang gagawin niya sa 2021 budget na ipinasa ni Speaker Velasco. Ang 2020 budget sa ilalim ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano ay hindi na-veto dahil sa pagiging pork-free at walang parked funds.

Binira rin ang kawalan ng urgency sa covid response sa ipinasang budget dahil P2.5-B lang ang tiyak na pondo na pambili ng bakuna, bagamat may inilagay na P72-B na dagdag ay hindi naman klaro kung saan ito kukunin.

Taliwas ito sa nauna nang sinabi ni Speaker Velasco na sa 2021 budget ay nasa mas magandang posisyon na ang bansa para labanan ang covid.

Ang Kamara ay inisyal na nag-allocate ng P8 billion programmed funds para sa COVID-19 vaccines subalit binalik ito sa P2.5 billion matapos bawiin ng mga kongresista ang P5.5 billion funding sa isinagawang bicameral deliberations.

Habang hinahanapan ng pondo ang covid measures ng pamahalaan, may tiyak na pondo naman ang mga infrastructure budget ng mga kongresista. Una nang sinabi ni Lacson na P650-M hanggang P15-B ang budget allocation ng bawat mambabatas sa ilalim ng 2021 budget.

127

Related posts

Leave a Comment