HABANG ibinubunyag ng ilang Senador ang kapalpakan sa ipinasa ng Kamara de Representantes na P4.5 trilyong badyet na hinihingi ng administrasyong Duterte, sunud-sunod naman ang balitang gulo sa mayoryang ‘sumusuporta’ kay Speaker Lord Allan Jay Velasco.
Naibalita sa mga pahayagan ang gulo, o “silent war”, sa mayorya ni Velasco.
Natatandaan ko ang ‘mahiwagang’ deklarasyon ni Velasco nang maupong speaker ito noong Oktubre 13 na siya ay magiging “unifying leader”.
Alam ng mga kongresista na walang ibang kahulugan ito kundi pinuno si Velasco ng lahat ng kongresista.
Kaya, maging ang solidong tagasuporta at kaalyado ni Taguig – Pateros Representative Alan Peter Cayetano na kalaban niya sa pagiging speaker ay hindi niya kakalabanin at iitsapuwera sa ilalim ng kanyang liderato.
Pagkatapos na pagkatapos mahalal si Velasco na speaker, pumayag siya sa kahilingan ni Cayetano na walang mapapalitan sa buong liderato ng Kamara.
Naganap ito sa harapan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ngunit, pagkaraan ng ilang araw at linggo ay sadyang binangga ni Velasco ang kampo ni Cayetano.
Unang tinanggal si Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte sa pagiging deputy speaker, samantalang alam na alam ng mga kongresista na malaki ang papel ng mambabatas upang maipasa sa
Kamara ang Bayanihan 1 at Bayanihan 2 na nakatulong nang malaki sa 18 milyong benepisaryo ng Social Amelioration Program (SAP) ng pamahalaan.
Mukhang hindi pa nasiyahan si Velasco dahil pinatalsik din sa pagiging deputy speakers sina Laguna Rep. Dan Fernandez, Batangas Rep. Raneo Abu at Capiz Rep. Fredenil Castro na pawang marami ring nagawa sa Kamara.
Pinuntirya rin si Kabayan party-list Rep. Ron Salo mula sa pagiging pinuno ng House contingent sa House of Representatives Electoral Tribunal (HRET).
Mistulang binigyan ni Velasco ng ‘premyo’ ang mga sumuporta sa prangkisa ng ABS-CBN Corporation na sina Buhay party-list Rep. Lito Atienza, Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez at Las Pinas Rep. Camille Villar bilang deputy speakers.
Tinabla ni Villar ang premyo ng kampo ni Velasco.
Ang malaking sampal sa mga mambabatas ay itinalaga ang anak ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Davao City Rep. Paolo Duterte bilang chairman ng House Committee on Accounts, samantalang hindi naman nito ibinoto si Velasco.
Nakarating ang impormasyon sa akin na maging si Majority leader Martin Romualdez ng Leyte ay planong tanggalin sa puwesto.
Alam n’yo ba na ang ipapalit sa kanya ay si Deputy Speaker Mikee Romero ng 1-Pacman party-list.
Ayon sa impormasyon, gusto ni Romero na maging lider ng mayorya kaysa isa sa mga deputy ni Velasco.
Ang totoo, matagal nang alam ng mga mambabatas na kapag naging lider ng Kamara si Velasco ay si Romero ang kanyang lider ng mayorya.
Dahil sa ginawang pagbasura ni Velasco sa kasunduan nila ni Cayetano ay hindi nakapagtatakang magkaroon ng gulo sa mayorya.
Walang ibang ‘ugat’ ng sigalot na ito sa mga tagasuporta at kaalyado ni Speaker Velasco, kundi siya.
Ang naturang gulo at pagkakawatak-watak ng mayorya ay totoong kaganapan na nakarating sa media.
Hindi ba, ibinalita sa media na si Velasco ay nanumpa kay Duterte bilang speaker.
Kauna-unahan ‘yan sa kasaysayan ng Kamara.
Ilang oras matapos ang panunumpa, nagkaroon ng pagdiriwang ang mayorya ni Velasco sa isang hotel malapit sa Luneta.
Kaarawan pala ng mahigit isang buwang lider ng Kamara.
Sa gitna ng kasiyahan ay biglang nagkagulo.
Nagkairingan pala sina Rep. Duterte at AAMBIS-OWA party-list Rep. Sharon Garin.
Ang lakas ng loob ni Garin dahil sinabihan pala nito ang bagitong kongresista na si Paolo Duterte na: “Hindi ka naman bumoto kay Velasco, pero nagkaroon ka ng puwesto”.
Pokaragat ba ‘yan!
Ang posisyong tinutukoy na hepe ng Accounts Committee ay ‘makapangyarihang’ posisyon dahil pera ng Kamara ang binabantayan nito.
Syempre, hindi nagustuhan ni Duterte ang tabas ng dila ni Garin, dahilan upang maasar ang una sa huli.
Mabuti na lang mabilis na umawat si Maguindanao Rep. Toto Mangudadatu at iba pang mambabatas, dahilan upang huwag lumala ang away ng dalawang kaalyado ni Velasco.
Mayroong mga kongresista na naniniwalang hindi “joke” ang patutsada ni Garin kay Duterte.
Anila, “half meant” ang tirada ni Garin.
Si Garin kasi ay aktibong kumampi at inilaban ang ambisyon ni Velasco na maging speaker ng Kamara, ngunit hindi naging hepe ng House Committee on House Ways and Means na makapangyarihan ding komite.
Pagkatapos ng gulo sa hotel, sa pamamagitan ng viber ng mga kongresista, humingi ng paumanhin si Duterte sa nangyari.
Sinabi rin niyang didistansya na siya sa mayorya.
Hindi inilinaw ni Duterte ang kanyang punto sa pasya niyang dumistansya sa mayorya, samantalang napakalaki ng kanyang papel sa Kamara ni Velasco.
Magandang subaybayan ang gulo sa Kamara na pinaniniwalaang si Speaker Lord Allan Jay Velasco ang dahilan.
159
