ILANG araw bago ang gaganaping special election sa Lanao del Sur ay isang pagsabog ang naganap sa bayan ng Tubaran, ayon sa pulisya at military na nakatutok sa ilang bayan sa nasabing lalawigan.
Ayon sa mga awtoridad, agad nagresponde ang Explosive Ordnance Unit, pulisya at militar sa pagsabog alas-1:20 ng madaling araw noong Huwebes sa Barangay Tangcal.
Nangyari ang pagsabog malapit sa headquarters ni mayoralty candidate Nashif Madki na pamangkin ni Commission on Elections Chairman Saidamen Pangarungan.
Posibleng isang M203 grenade launcher ang ginamit sa pagpapasabog na sinasabing wala namang nasugatan o nasirang ari-arian.
Nabatid na naglunsad ng isang prayer rally nitong Biyernes si Mayor Yassin Papandayan na katunggali ni Madki para maging maayos at mapayapa ang isasagawang special elections sa bayan sa Mayo 24.
Magkakaroon ng special elections sa 12 barangay sa nasabing bayan matapos hindi makaboto ang mga residente roon.
Sinasabing hinarangan ng supporters ni Papandayan ang pagpapalabas ng elections materials dahil sa biglang pagbabago ng clustering ng polling precincts noong Mayo 9.
Bago ang halalan, nagreklamo si Papandayan sa pagiging malapit na kaanak ni Madki at sa dalawa pang kandidato kay Pangarungan at hiniling nito ang pag-inhibit ng chairman ng Comelec.
Ilang araw matapos ang May 9, 2022 national and local election ay nakabantay na rito ang military at pulis at sinasabing walang banta sa isasagawang special elections sa 12 barangay sa Tubaran,
Ito ay batay sa monitoring na ginagawa ng Philippine National Police (PNP) kung saan tinatayang aabot sa 8,000 ang inaasahang boboto sa special elections.
Ayon kay PNP Spokesperson P/Col. Jean Fajardo, hindi na nila inaasahang magkakaroon ng problema sa pagdaraos ng special election dahil 800 tauhan ng PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang itinalaga sa lugar para magpatupad ng seguridad.
Naka-standby din ang mga awtoridad sa abiso mula sa Commission on Elections (COMELEC) kung kailan naman isasagawa ang special election sa tig-isa pang barangay sa Binidayan, Butig, Lanao del Sur.
Una nang ipinahayag ni PNP Director for Operations P/Mgen. Valeriano de Leon na mga pulis ang magsisilbing Special Board of Election Inspectors sa mga pagdarausan ng special election.
Napag-alaman na muling ide-deploy ng PNP ang kanilang mga tauhan para magsilbing miyembro ng Special Board of Election Inspectors (SBEI) sa gaganaping special elections.
Ito ang inihayag ni PNP Director for Operations Maj. General Valeriano De Leon, kasabay ng pahayag na mahigpit ang kanilang koordinasyon sa Commission of Elections at AFP para matiyak na hindi magkakaroon ng “failure of elections” sa mga naturang barangay.
Matatandaang noong Mayo 9, humigit-kumulang isang libong pulis ang nagsilbing SBEI sa Cotabato City at ilang lugar sa Maguindanao dahil sa “security concerns”.
Ayon kay De Leon, gumagawa na sila ng plano para mapigilan ang paggamit ng mga tiwaling politiko ng “flying voters”.
Siniguro naman ni De Leon na hindi makalulusot ang “flying voters” sa mga pulis na magsisilbing SBEI dahil sanay na ang mga ito sa pag-screen ng mga botante. (JESSE KABEL)
