Ni: NELSON S. BADILLA
MILYUN-MILYON ang kabuuang sahod, allowances at benepisyo ng mga opisyal sa pamahalaan at maging sa bangko na kontrolado nito, ayon sa ulat ng Commission on Audit (COA).
Sa ulat ng Report on Salaries and Allowances (ROSA) ng COA para sa 2019, numero uno si Higinio Macaraeg Jr., pangulo pa ng United Coconut Planters Bank (UCPB) sa milyones na sahod at
allowances.
Umabot sa P20,475,205.79 ang kabuuang sahod, allowances at mga benepisyo ni Macaraeg.
Nagbitiw si Macaraeg sa UCPB noong Hulyo, 2019, ngunit nanatili siya sa puwesto hanggang Hulyo 2020 kung kailan siya pinalitan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Bukod sa kanya, tinukoy rin ng COA ang iba pang opisyal ng UCPB na nakapasok sa sampung pinakamalalaking sahod, allowances at mga benepisyo tulad nina UCPB Executive Vice President
Eulogio Catabran III at Edmond Enriquez.
Si Catabran ay nasa ikalimang puwesto sa sahod, allowances at mga benepisyong umabot sa P15.097 milyon, samantalang si Edmond Enriquez na nakalista bilang ikasiyam ay nakakuha ng
P11.586 milyon.
Bukod kina Macaraeg, Catabran at Enriquez, marami pang opisyal sa UCPB ang pasok sa unang 50 opisyal sa pamahalaan na kumita ng milyun-milyong suweldo, allowances at mga benepisyo noong 2019.
Dinaig pa ni Macaraeg si Benjamin Diokno na ikatlong puwesto sa listahan ng COA makaraang sumahod at makuha ang allowances at mga benepisyo na P15,450,731.07, samantalang siya ang
pinuno ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Ang iba pang pangunahing opisyal ng BSP na sina Maria Almasara Amador (P14.604 milyon), Chuchi Fonancier (P14.595 milyon), Dahlia Luna (P12.244 milyon), Ma. Ramona Gertrudes Santiago (P12.179 milyon) at Elmore Capule (P11.421 milyon).
Naging kontrolado ng pamahalaan ang UCPB mula noong 1986 hanggang kasalukuyan dahil sinikwester at kinontrol ito ng administrasyon ni Corazon Cojuangco Aquino dahil sa akusasyong’pag-aari’ ito ng pamilya Marcos at hindi ng namayapang si Ambassador Eduardo “Danding” Cojuangco.
Si Cojuangco ay pinsang buo ni Cory Aquino.
Sa Gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte, nananatiling si Science and Technology Secretary Fortunato dela Peña pa rin ang mayroong pinakamataas na sahod, allowances at mga benepisyong
umabot sa P5.002 milyon.
Batay sa COA, simula 2017 hanggang 2019 ay numero uno si Dela Peña sa mataas ang kita sa mga kasapi ng Gabinete ni Duterte.
Ayon sa ROSA ng COA noong 2019, ikalawa si Health Secretary Francisco Duque III na P4.88 milyon ang kinita, ikatlo si Energy Secretary Alfonso Cusi na P4.86 milyon ang nakuha, ikaapat si Labor Secretary Silvestre Bello III sa halagang P4.7 milyon at ika-5 si Justice Secretary Menardo Guevarra na P4.679 milyon ang natanggap.
Ang iba pa sa mga kalihim ni Duterte ay sina Finance Secretary Carlos Dominguez III (P4.6 milyon); Agrarian Reform Secretary John Castriciones (P4.6 milyon); Commission on Higher Education Chairman Julian Prospero de Vera III (P4.6 milyon); Public Works Secretary Mark Villar (P4.5 milyon); Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles (P4.5 milyon); Trade Secretary Ramon Lopez (P4.43 milyon); at, Social Welfare Secretary Rolando Bautista (P4.42 milyon).
Kasama rin sina Executive Secretary Salvador Medialdea (P4.416 milyon); Transportation Secretary Arthur Tugade (P4.39 milyon); Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo (P4.37 milyon); Tourism Secretary Bernadette Romulo Puyat (P4.35 milyon); Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. (P4.3 milyon); Presidential Communications Operations Office Secretary Jose Ruperto Martin Andanar (P4.3 milyon).
Pasok pa rin sina dating Socioeconomic Planning secretary Ernesto Pernia (P4.3 milyon); dating Agriculture secretary Emmanuel Piñol (P4.24 milyon); Environment Secretary Roy Cimatu (P4.21
milyon); National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. (P4.2 milyon); Presidential Peace Adviser Carlito Galvez Jr. (P4.2 milyon); Interior Secretary Eduardo Año (P4.16 milyon); Defense Secretary Delfin Lorenzana (P4.148 milyon); Metropolitan Manila Development Authority Chairman Danilo Lim (P4.14 milyon); Education Secretary Leonor Briones (P4.103 milyon); at Technical Education and Skills Development Authority Director General Isidro Lapeña (P4.04 milyon).
Si Budget Secretary Wendel Avisado ay kumita ng P3.1 milyon, kasama ang P1.25 milyon bilang DBM acting secretary.
Umabot lang sa P2.246 milyon ang kabuuang natanggap noong 2019 ni Secretary Gregorio Honasan dahil Hulyo ng nabanggit na taon lamang siya naging pinuno ng Department of
Information and Communications Technology (DICT).
Si Solicitor General Jose Calida na hindi kabilang sa Gabinete ay pangalawa sa listahan ng COA na kumita ng milyun-milyon noong 2019.
Batay sa rekord ng COA nitong 2019, pangalawa si Calida sa mayroong napakalaking suweldo at benepisyo na umabot sa kabuuang P16,952,843.27.
Sina Calida at Duterte ay nagsimulang maging magkaibigan noong huling bahagi ng 1970.
Bago maghalalan noong 2016, isa si Calida sa ‘signipikante’ ang papel na ginampanan sa pagtakbo ni Duterte sa pagkapangulo ng bansa, ayon sa aklat ni Earl Parreño tungkol sa talambuhay ni
Duterte na may pamagat na “Beyond Will and Power.”
Dahil sa diskarte ni Calida mula sa pagkakaroon ng ‘pansamantalang’ kandidato sa pagkapangulo ng PDP-Laban hanggang maging “substitute candidate” si Duterte ng PDP-Laban sa pagkapangulo.
186