BAKIT MAY NAMAMATAY SA LIPOSUCTION?

liposuction

(Ni Ann Esternon)

Ang liposuction ay isang operasyong ginagawa kung saan tinatanggal o hinihila nito ang taba sa isang area ng katawan na gustong ipatanggal ng pasyente.

Ito rin ngayon ang tinatawag na cosmetic surgery.

Ang liposuction ay hango sa salitang lipo na ang ibig sabihin ay fats o taba, habang ang suction ay paghigop na may puwersa.

Ang liposuction ay hindi sagot sa pagkawala ng stretchmarks o cellulite.

Kadalasan ang area na idinadaan sa liposuction ay ang tiyan, mga hita, balakang, puwet, baba, leeg o itaas na bahagi ng mga braso, dibdib at likuran, mga binti.

Liposuction din ang sagot ng marami sa pagbabawas ng dibdib o suso, maging sa gynecomastia – paglaki ng dibdib sa mga lalaki.

Sa liposuction din ay inaayos nito ang hugis ng anumang bahagi ng katawan mula sa mga nabanggit.

Ginagamit ang liposuction para matanggal ang taba na hindi kinakaya o hindi kinayang mawala sa pamamagitan ng pagda-diet o pag-eehersisyo. Gayunman, ang liposuction ay hindi kailanman at hindi dapat gawing alternatibo sa pagtanggal ng taba dahil mataas ang peligrong ibinibigay nito. Ngunit marami ang nagkokonsidera na ang liposuction ay kanilang solusyon – lalo na sa mga may pera.

Hindi basta-basta ang liposuction at hindi ito para sa lahat.

Bago ka sumailalim sa operasyon na ito, dapat ay sumailalim ka rin muna sa mga pagsusuri kung saan dapat lumabas sa medical record na ikaw ay healthy, walang iniindang sakit o walang komplikasyon na makaaapekto pa sa liposuction.

Hindi papasa ang pasyente kung mahina ang kanyang resis­tensya lalo na kung may sakit sa puso at diabetes.

May namamatay ding pasyente kahit pa napatunayang okay o malusog ang kanyang pangangatawan. Ito ay dahil sa hindi kinaya ang anesthesia (o ang dami nito), may bleeding o pagdurugo na nangyari. May pagkakataon din na matapos dumaan sa liposuction ang kanilang heart rate ay bumaba. ­­

May namatay din dahil sa blood clot (namuong dugo) sa baga. Nangyari iyan nang ang isang pasyente abroad ay dumaan sa tumescent liposuction. Ang tumescent ay isa sa pinaka-common na uri ng liposuction, isa itong technique na nagbibigay na local anesthesia sa malaking volume ng taba na nasa ilalim ng balat para gawin dito ang liposuction.

Namatay ang pasyente dahil labis ang liquid na nilagay sa katawan niya – mahigit sa 13 quarts ng fluid, 7 intravenously at 6 pumped sa surgical sites kabilang dito ang suso, dibdib, braso at likod, tiyan, mga hita, puwet at tuhod. Ang sobrang tubig ay napunta sa kanyang baga kaya ito ay nalunod at kanyang ikinamatay.

Completely cosmetic ang liposuction kaya dapat ito ay optional lamang – kahit ano pang technique ang gawin sa proseso sa pagtanggal ng taba sa operas­yong ito.

Kung gusto mo talagang magpapayat, may ehersisyo naman na mas mabuti at ligtas na opsyon – syempre dapat na-monitor ka rin nang husto bago ang ehersisyo na angkop sa iyo. Daanin lang sa tiyaga at huwag madaliin lahat, may prosesong dapat sundan para na rin sa iyong kaligtasan.

Huwag basta umasa sa liposuction, dahil baka hindi taba ang mawala sa iyo – baka ang mismong buhay mo.

442

Related posts

Leave a Comment