Pag-inom ng alak ang solusyon ng ilan para kahit papaano’y makapagsaya at kalimutan ang problema. Sa mga stressed nga sa opisina, kulang na lang na hilahin nila ang araw para TGIF o “Thank God, It’s Friday” na agad – oras na para mag-walwal.
Pero hinay-hinay lang sa pag-inom ng alak. ‘Ika nga ng slogan ng maraming alcoholic beverages, “drink moderately”. Aminin man natin o hindi, marami sa atin ang tila wala nang bukas kapag napaupo sa drinking session. Animo’y katapusan na ng mundo. Kaya ang resulta, hangover!
Nararanasan ang hangover sa paggising sa umaga pagkatapos ng gabi ng sobrang pag-iinuman. Nakararanas ng matinding pananakit ng ulo, pagkahilo, pag-ikot ng paningin, pagsusuka, pananakit ng mga kalamnan at panghihina ang taong may hangover.
Ayon sa mga medical expert, maaaring dulot ng dehydration o kakulangan ng tubig sa katawan na bunga ng sobrang alak ang hangover. Maaaring dahil din daw ito sa bahagyang pamamaga ng utak na dulot pa rin ng sobrang alak sa katawan.
Dahil dehydrated ang taong may hangover, dapat uminom ng maraming tubig. Kailangang manumbalik ang nawalang tubig sa katawan. Mabuti kung iinom ng tubig bago matulog sa gabi at pagkagising sa umaga.
Makatutulong ding humupa ang hangover kung iinom ng paracetamol. Epektibo itong pang-alis ng pananakit ng ulo at katawan nang hindi nakakapangasim ng sikmura. Pero tiyakin ding kumonsulta sa doktor kung kinakailangan.
Mapadadali rin ang pag-alis ng hangover kung kakain ng ilang piraso ng saging. Ayon sa mga eksperto, kasamang nawawala sa katawan ng taong lasing ang mahalagang mineral na potassium. Mayaman sa bitaminang ito ang saging.
Magpahingang mabuti kung may hangover para mabilis itong mawala. Huwag munang pilitin na magtrabaho para ‘di na lalong mahilo.
Hindi rin totoong kailangang uminom ulit ng alak kinabukasan para mahugasan ang tiyan mula sa unang ininom na alak. Sabi ng mga doktor, iwasan ang nakaugaliang ‘panghugas o pambanlaw na inom’.
Hinay-hinay sa pagtoma. Hindi naman masusolusyunan ng alak ang problema. Kung may pinagdadaanan sa buhay, maraming ibang paraan na puwedeng gawin. Isa na ang retreat o counselling. Puwede ring mag-travel at food trip with family and friends.
522