Ngayong holiday season, pihadong lahat ng mga makakain natin ay madaling matagpuan.
Ang kagandahan pa nito, ang mga pagkaing ito ay madali nang hanapin, makarating o ihatid sa iba’t ibang lugar dahil madali naman na ang magpa-deliver.
Kung naghahanap kayo ng iba’t ibang sarap ay maaring sadyain ang mga putaheng tanging sa Lungsod lamang ng Malabon na malalasap. Ito ay gaya ng mga sumusunod:
LINUTLOT NG BELLY’S, NALALASAP
Linutlot na manok o manok na niluto sa kawayan. Iyan ang tunay na tawag at isa sa mga pagkain mula sa isa sa mga tribong Mindanaoan.
Pero kung narito kayo sa Luzon, partikular sa Malabon, ang linutlot dito ay tunay rin namang masarap. Ang sarap na iyan ay matitikman sa Belly’s Restaurant.
Ang bersyon ng linutlot sa Belly’s Restaurant ay kakaiba dahil ang pinakalahok nila rito ay ang hito, isang uri ng isda, sa halip na manok kaya naman ito ay mas healthy.
Sa paraan pa lamang ng pagluluto nito ay sadyang nakatatakam na. Kasama ng isda ay inilalagay rin sa loob ng kawayan ang iba’t ibang herbs o spices at secret ingredients na nagpapasarap sa lutuin ito. Matapos nito ay ilalagay na sa nagbabagang mga uling sa loob ng 10-15 minuto.
Tunay na malaman at malasa ang hito pero kapag niluto na ito sa uling na nagbibigay ng kakaibang amoy at lasa, at habang ang kawayan din naman ay may hatid na kakaibang nakahihikayat na aroma sa mismong linutlot, asahang mabubusog talaga kayo sa pagkaing ito.
Ang Belly’s ay matatagpuan sa Elias St. corner Basillo, Acacia, Malabon. Bukas ito araw-araw mula alas-10:00 ng umaga hanggang alas 11:00 ng gabi.
Dalawa ang Belly’s Restaurant at ang isa pa nito ay matatagpuan din sa Crossing Mendez East, Emilio Aguinaldo Highway, Tagaytay sa lalawigan ng Cavite.
Ang ilan pa sa mabentang-mabentang pagkain sa restaurant na ito ay sisig, sinigang, crispy pata, at inihaw na pusit.
SARAP NG TAPANG KABAYO SA CUPS AND CONES CAFÈ
Ang tapa ay isa sa mga pagkaing kinahihiligan ng mga Pinoy. Katunayan, ito ay mas kadalasang hinahanap na putahe sa umaga kaya partikular na partikular tayo sa tapsilog – pinagsama-samang pagkaing tapa, sinangag at itlog na minsan ay sinasamahan din ng atsara o kahit hiniwang pipino.
Pero dahil wala naman tayong pinipiling oras ng kain, ang tapang ito ay hinahain na rin sa buong araw.
Ang tapa ay isang pinatuyo o cured na thin slices ng karne ng baka. Pero dahil may naghahanap ng bersyong karne ng kabayo nito ay naimbento at sinubukan din kung gagawin itong tapa na mula karne ng kabayo. At totoo naman, sadyang iba rin naman talaga ang sarap na naihahatid nito.
Kung hanap-hanap n’yo ang tapang kabayo, isa sa mga kainan na nag-aalok nito ay ang Cups and Cones Café na matatagpuan sa Gen. Luna, dito pa rin sa Malabon.
Ang tapang kabayo ang isa sa mga pagkaing patok na patok sa kanila. Bilang katunayan, mayroon silang mga parokyano na ito lamang ang sadya sa kanilang café.
Bukas ang naturang café mula alas-tres ng hapon hanggang alas-onse ng gabi.
SAPIN-SAPIN NA SARAP SA ORIGINAL DOLOR’S KAKANIN
Ang sapin-sapin ay isang uri ng kakaning Pinoy na pinagpatung-patong at makukulay na malagkit na kanin.
Ang kakanin na ito ay tinatawag sa atin bilang dessert, panghimagas, o pamutat.
Ito ay masarap kainin dahil malambot at chewy. Nagpasarap din dito ang gata ng niyog, paglalagay ng binubudbod na tustadong coconut flakes o kaya ay latik.
Isa sa ipinagmamalaki ng Malabon ay ang sapin-sapin ng Dolor’s na may branches sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ipinagmamalaki ito ng naturang lungsod dahil dito sa kanilang lugar unang umusbong ang tindahan ng Dolor’s at dito sila lubos na kinilala.
Maliban pa sa sapin-sapin, mabili rin sa kanila ang biko, kutsinta, kalamay de mais, putong puti at pichi-pichi.
CRISPY PATA NG JAMICO’S
Sino ba ang nakatatanggi sa sobrang sarap ng crispy pata?
Ito ay kadalasang isinasawsaw sa sukang tadtad ng bawang at sibuyas o sa tinatawag na soy-vinegar o pinagsamang toyo at suka.
Ubod ng sarap ng pagkaing ito dahil dumaan ito sa iba’t ibang paraan ng pagluluto, mula sa paglaga o pagpapalambot nito na may panlasa na hanggang sa iprito na lubog sa mainit-init na mantika. Kapag malutong ang pagkakaluto nito ay sadyang mas nakatatakam.
Ang sarap ng crispy patang ito ay matatagpuan sa Jamico’s/Home of Judy Ann’s Crispy Pata na nasa Malabon City. Gayundin, ang Mary Jay Restaurant ay naghahain din ng naturang crispy pata na matatagpuan din sa lungsod na ito.
429