‘SPONGE CITIES’ PINASUSUBUKAN KONTRA BAHA

HINIMOK ni Senador Imee Marcos ang gobyerno na subukan ang konseptong “sponge cities” para maibsan ang pinsala ng bagyong pinatitindi pa ng climate change.

Sa harap nito, inihain ni Marcos ang Senate Resolution 537 para makalikha ang bansa ng sariling bersyon ng konseptong ito habang iniimbestigahan ang sinasabing “man-made” disaster na dulot ng Bagyong Ulysses.

“Target ng imbestigasyon ng Senado na makabuo ng solusyon at hindi para manisi ng tao. Isantabi na yang mga ‘turuan’ o sisihan sa bawat isa at sa halip tukuyin kung ano ang dapat gawin o direksyon susundin ng ating bansa,” diin ni Marcos.

“Higit pa sa pagsasalba at pamamahagi ng mga relief goods, kailangan natin ng pangmatagalang plano ASAP para ibsan ang pananalanta ng mga bagyo,” ani Marcos.

Ang pagbuo ng “sponge cities” ay isang storm water management strategy na naging tagumpay sa pagkontrol ng mga flash flood sa China at India.

Ang estratehiyang ito’y kabibilangan ng pinagsama-samang mga imprastraktura ng tubig, mula sa pinagbagsakan ng ulan patungo sa water treatment facilities, na layuning makontrol ang baha at makaipon din ng tubig para gawing inumin o gamitin ding panlinis.

Ang mga aspaltadong kalsada at sidewalk na gawa sa mga buhaghag o may maliliit na butas sa ibabaw ay dapat ding subukan sa mga lungsod para masipsip nito ang mga ulan o baha, dagdag pa ni Marcos.

“Noong 70’s naaninag na natin ang simula ng isang sponge city master plan para sa Pilipinas. Pinaka-kritikal na bahagi ng flood control project noong panahon na yon ang Parañaque Spillway na layuning padaluyin ang tubig sa Laguna Lake patungo sa Manila Bay, pero naudlot noong 80’s at nanatiling isang pangarap hanggang ngayon,” ayon kay Marcos. (ESTONG REYES)

223

Related posts

Leave a Comment