ANCAJAS, TULOY ANG ENSAYO KAHIT KANSELADO ANG LABAN

Jerwin Ancajas-3

TULOY pa rin ang ensayo ni IBF super flyweight champion Jerwin Ancajas sa kabila nang kanselasyon ng kanyang laban.

Dapat sana’y makakalaban ni Ancajas para sa ikasiyam niyang title defense si Mexican Jonathan Javier Rodriguez sa Pebrero 23 (Manila time).

Pero dahil nasanay na si Ancajas sa paulit-ulit na kanselasyon ng kanyang laban, ipagpapatuloy lang niya ang pag-eensayo.

Katunayan mula sa Magallanes, Cavite ay lumipat ang IBF champion ng kanyang training camp sa Barangay Olingan, Dipolog City, sa isang compound na pag-aari ni Engr. Gilbert S. Cruz, pangulo at chief company innovator ng Big Boss Cement, Inc. na sumuporta kay Ancajas nang magdepensa kay Chilean Miguel Gonzales noong Disyembre 7 sa Puebla City, Mexico.

“Ok lang naman kay Jerwin (cancellation), sanay na kami, hintayin lang namin yung tawag ni Mr. (Bob) Arum, ang plano gawing main event si Jerwin,” pahayag ni Joven Jimenez, manager-trainer ni Ancajas.

Sina Ancajas at Gonzalez ay unang itinakdang magharap noong Nobyembre 22, subalit nabigo ang Mexican na makakuha ng US visa dahilan para makansela ang laban.

Ayon pa kay Jimenez, malalaman nila mula kay international matchmaker Sean Gibbons, pangulo ng MP (Manny Pacquiao) Promotions na tumutulong sa mga laban ni Ancajas, kung sino ang makakaharap ng Pinoy champion na posible umanong gawin sa ikalawang linggo ng Abril.

“Maghihintay lang kami ng tawag, basta tuloy lang ang ensayo namin, para pag na-schedule na ang laban, handa kami,” sabi pa ni Jimenez. (VT ROMANO)

114

Related posts

Leave a Comment