(NI VIRGI T. ROMANO/ Saksi Ngayon Sports Editor)
SINUSUBUKAN na ng Samahang Basketbol sa Pilipinas na kumbinsihin ang pamunuan ng FIBA na tanggapin si NBA star Jordan Clarkson bilang Filipino citizen.
Ito ay para mai-partner siya kay Andray Blatche sa pagsabak ng Gilas Pilipinas sa FIBA World Cup sa buwan ng Agosto sa China.
“We have been trying to convince or discuss the matter with FIBA,” pahayag ni SBP president Al Panlilio sa panayam ng AFP. “Everyone is working on the matter and we will do everything we can to make it happen.”
Ang Gilas Pilipinas ay nakapasok sa World Cup sa pangunguna ni Blatche, na isang naturalized Filipino, nang talunin noong Linggo ng gabi ang Kazakhstan, 93-75 sa Astana.
Nakamit ng Pilipinas ang ikalawang sunod na World Cup stint sa kabila ng nangyaring brawl sa laban nito kontra Australia noong nakaraang taon, kung saan 10 manlalaro ang sinuspinde ng FIBA, kasama na rito si Blatche.
Nang sumabak ang Nationals sa Asian Games sa Indonesia, nakapaglaro si Clarkson, na isang Filipino-American.
Subalit, pagdating sa mga torneong pinatatakbo ng FIBA, gaya ng World Cup, si Clarkson ay nasa classification ng ‘naturalized’ dahil nakakuha siya ng Philippine passport matapos siyang umedad ng 16.
“Based on our constitution, he is Filipino. He has a passport. But he got it after he was 16 years old,” lahad ni Panlilio.
Kung hindi kikilalanin ng FIBA si Clarkson bilang Pinoy, walang ibang magagawa ang Pilipinas kundi ang mamili kung sino sa kanila ni Blatche ang palalaruin bilang naturalized player.
Base pa rin sa FIBA rule, pinapayagan lamang ang bawat bansa na magsama sa line-up ng isang naturalized player
163