(NI VT ROMANO)
INAASAHANG dudumugin ang bagong bihis na Rizal Memorial Coliseum, upang saksihan ang pagsabak ni world champion Carlos Edriel Yulo sa 30th SEA Games gymnastics competition simula ngayon.
Sasalang ang 19-anyos na si Yulo sa pitong events ng biennial meet, kung saan siya ay paborito sa floor exercise event, matapos na maging kauna-unahang Filipino na nagwagi ng gold medal sa World Championship kamakailan sa Stuttgart, Germany.
Ang panalo ni Yulo sa Germany ay nagbigay sa kanya ng tiket para makalahok sa Tokyo Olympics sa 2020.
Sa unang araw ng kompetisyon ay all events ang nakalinyang paglabanan at inaasahang dadagsa ang mga susuporta kay Yulo, pati na sa iba pang atleta ng Pilipinas.
May kabuuang 23 atletes ang pambato ng Gymnastics Association of the Philippines (GAP), na tatarget ng 10 gold medals.
Sa 2017 SEA Games sa Kuala Lumpur, ang Pilipinas ay nakapag-uwi ng dalawang gold buhat kina Kaitlin de Guzman at Reyland Capellan, makaraang manguna sa women’s artistic uneven bar at men’s artistic floor exercise, ayon sa pagkakasunod.
“The team is very positive heading into the Games. There is some nervousness, of course, since we are also playing here at home but the athletes are not allowing it to affect their focus. We are targeting at least 10 gold medals,” lahad ni GAP secretary Bettina Pou sa panayam.
Ang gymnastics events ay sisimulan ng artistic gymnastics simula ngayon hanggang Disyembre 4. Habang ang rhythmic gymnastics ay nakatakda sa Disyembre 6-7 at Disyembre 9 naman ang aerobics gymnastics.
191