SA nakalipas na tatlong edisyon ng SEA Games (2013, 2015 at 2017), walang baseball event na isinama sa kalendaryo nito.
Kaya naman nang isama ito sa listahan ng mga event para sa 30th edition, siniguro ng Philippine men’s team na mabigyan ng magandang regalo ang mga Pinoy.
Inangkin ng mga Pinoy batters ang gold medal matapos pulbusin ang Thailand, 15-2 kamakalawa sa The Villages sa Clark, Pampanga.
Umiskor ang national players ng nine runs sa unang tatlong innings, tungo sa ikatlong ginto sa apat na pagsalang sa palaro, kasama na ang 2005 dominasyon nito sa larong ginanap sa Rizal Memorial Baseball Stadium.
Humulagpos ang ginto sa kamay ng mga Pinoy noong 2007 SEAG sa Nakhon Ratchasima, nang matalo sa Thailand, pero, binawi ng Pilipinas ang korona noong 2011 sa Palembang, Indonesia.
Umiskor agad ang national baseball team ng 3-0 sa first inning na sinundan ng apat pa at mula doon ay itinakas na ang panalo.
Ayon kay Philippine Amateur Baseball Association (PABA) president Chito Loyzaga, susunod na paghahandaan ng koponan ang 2020 East Asia Cup na magsisilbing qualifying tournament para sa BFA Asian Baseball Championship 2021, gayundin ang maagang paghahanda sa Asian Games sa 2022.
“The whole team is deserving of this gold medal,” lahad ni Loyzaga. “They sacrificed, prepared and trained hard for this tournament.”
347