OBIENA BAKASYON MUNA SA ‘PINAS

BALIK Pilipinas si pole vault world No. 3 at Asian record holder Ernest John “EJ” ­Obiena para makapagpahinga matapos ang walong magkakasunod na torneo sa Europe.

Pagdating niya nitong Huwebes ay agad siyang nag-courtesy call kay bagong Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Jose Emmanuel “Noli” Eala at ibinahagi ang kanyang European campaign, na parte ng preparasyon niya sa pagsabak sa Southeast Asean Games sa Cambodia at Asian Games sa China sa 2023, at 2024 Paris Olympics.

Ilang araw pa lang ang ­nakalilipas nang sumungkit si Obiena ng gold medal at nakapagtala ng bagong meet record na 5.81 metro sa 2022 Gala dei Castelli sa Switzerland.

Sa kabuuan, anim na gold medals, isang silver at isang bronze ang naibulsa niya sa walong torneo sa Europe.

Ngunit pinakamalaking achievement niya ngayong season ang pagtala ng kasaysayan bilang unang Pilipinong nagwagi ng medalya (tanso) sa World Athletics Championships sa ­Eugene, Oregon noong Hulyo, na nagpaangat sa kanyang world ­ranking.

Memorable naman para sa 26-anyos na Pinoy ang upset win niya kay world No. 1 at Olympics champion Armand Duplantis ng Sweden, sa ginanap na Brussels Diamond League ilang linggo pa lang ang nakararaan.

Matatandaang nadepensahan din ni Obiena ang gintong medalya niya noong 2019 SEA Games, sa nakaraang Hanoi edition noong Mayo. (ANN ENCARNACION)

123

Related posts

Leave a Comment