PNP NAGING CORRUPT SA DUTERTE DRUG WAR

SINUPORTAHAN ng lead chair ng Quad Committee sa Kamara ang ikinakasang imbestigasyon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa war on drugs ni dating pangulong Rodrigo Duterte dahil bukod sa bigo umanong nasugpo ang ilegal na droga ay naging dahilan ito ng lumalang corruption sa hanay ng Philippine National Police (PNP).

Noong Lunes ay inanunsyo ni DILG Secretary Jonvic Remulla na magsasagawa ang mga ito ng imbestigasyon dahil lumalabas umano na nagkaroon ng grand conspiracy sa PNP para itago ang criminal activities sa loob ng organisasyon.

“While I supported the anti-drug campaign of the previous administration as a necessary response to a growing crisis, it is now undeniable that it became a catastrophic failure,” pahayag ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers.

“Instead of upholding justice, it opened the floodgates to corruption in the PNP, foster a culture of impunity that left thousands of innocent lives destroyed, and even allowed recycled drugs to poison our streets again,” dagdag nito.

Isang patunay aniya dito ang pagsasampa ng mga kaukulang kaso laban sa 30 police officers kasama na ang dalawang general hinggil sa gawa-gawang raid sa Tondo Manila noong 2022 kung saan nakasamsam umano halos isang toneladang shabu ang mga pulis.

Kabilang ang isyung ito sa inimbestigahan ng House committee on dangerous drugs na pinamumunuan din ni Barbers bago nabuo ang Quad Committee kung saan maging ang extra-judicial killings (EJK) at Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) ang inurirat dahil sa kaugnayan ng mga ito sa war on drugs.

Bukod sa pagtatakip sa criminal activities sa PNP officers, tututukan din umano sa imbestigasyon ng DILG ang reward system na unang inamin ni dating Police Colonel Royina Garma sa Quad Committee.

Ayon kay Barbers, dahil sa reward system, lumala umano ang ‘criminal enterprises’ sa loob ng institusyon na naatasang magpatupad ng batas.

Samantala, kinumpirma ni Barbers na nakakulong na sa detention cell ng Kamara si dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Wilkins Villanueva matapos itong boluntaryong sumuko sa Kamara noong Lunes.

Magugunita na na-cite in contempt sa Quad Comm si Villanueva noong December subalit dahil sa holiday season ay hindi ito naipatupad at napagkasunduan na saka lang ito ipapakulong pagbalik sa trabaho ng Kongreso. (BERNARD TAGUINOD)

76

Related posts

Leave a Comment