(NI VT ROMANO, Saksi Ngayon, Sports Editor/PHOTO BY WENDELL ALINEA)
HOLLYWOD – Hindi kinakitaan ng pagkabahala si chief trainer Buboy Fernandez sa hindi pagsipot ni eight division world champion Manny Pacquiao sa kanyang gym work, Biyernes ng hapon sa Wild Card Boxing Club.
Maging si training consultant Freddie Roach ay sinabing kasama rin sa paghahanda ang pahinga sa isang mabigat na laban.
Ayon kay Fernandez, na bise-alkalde ng Polangui, Albay, walang dapat alalahanin kung hindi man nag-ensayo si Pacquiao, dahil halos tapos na ang kanilang training at araw na lamang ng laban ang hinihintay.
“No worries. Okay lang ‘yun, nagpahinga siya (Pacquiao), kasi ang haba rin ng jogging niya kaninang umaga,” lahad ni Fernandez.
“Mahaba na rin pati ‘yung ensayo namin dahil sa Maynila pa lang nagsimula na kami, nung dumating kami dito (sa LA), ang haba ng sparring niya, tama lang ‘yun magpahinga siya,” dagdag pa ni Fernandez.
Ayon pa kay Fernandez, ‘yung sakit na lang ang kailangan nilang maiwasan.
“Hangga’t maaari nga iwas-iwas muna sa masyadong maraming tao, kasi hindi natin alam, di ba? Mahirap na mahawa siya ng ubo o sipon, pero, other than that, wala naman na kaming masyadong concern,” wika pa ni Fernandez.
Kung mayroon mang kinatatakutan si Roach, ito ay ang ma-over trained si Pacquiao.
“Skipping today’s training, it’s okay. He ran hard this morning and rest, you see is also part of preparation,” lahad ni Roach.
“What we’ve been avoiding is for him to over-trained, as you can see, he always push himself to the limit everytime he’s in the gym, and it’s a good thing to rest,” ani Roach.
Muli ring binigyang diin ni Roach ang kanyang naunang prediksyon na may matutulog sa laban at iyon ay si Keith Thurman.
“He (Thurman) can’t handle Manny’s speed and he might get knockout in the ninth,” komento pa ni Roach.
136