(NI JJ TORRES)
HINDI nangimi si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang saloobin hinggil sa tsansa ng Gilas Pilipinas laban sa koponan ng Italya sa nalalapit na FIBA World Cup simula sa Agosto 31 sa China.
Walang gatol niyang inihayag na malabo ang tsansa ng pambansang koponan laban sa nasabing bansa.
“Problema unang kalaban natin Italy. Wala, talo tayo, walang laban,” pahayag ni Duterte, kamakalawa habang nagsasalita sa ginanap na oath-taking ng Filipino-Chinese businessmen sa Malakanyang.
“We will lose dito sa Italya. Ang lalaki kaya niyang mga gagong yan,” dagdag pa niya.
Bumawi naman si PDU30 sa pagsasabing kayang talunin ng Pinoy ang Angola.
“Angola, ito puwede natin ilibing ng buhay,” komento niya.
Si Pangulong Duterte ay nakatakdang manood sa laban ng Gilas Pilipinas sa World Cup, dahil kasabay ng kompetisyon ang pagbisita niya sa China para makipagpulong kay President Xi Jinping.
Ang Gilas Pilipinas ay unang haharapina ng Italy, kasunod ang Serbia at Angola sa World Cup.
Kaugnay nito, maganda ang resulta ng unang tune-up game ng Gilas Pilipinas kontra Congo, kung saan nanaig ang mga Pinoy, 102-80 na ginanap Miyerkoles ng umaga (Manila time) sa Guadalajara, Spain.
Nagtala ng 25 points si Blatche upang bigyan ang Gilas ng panalo sa simula ng serye ng mga laro na gaganapin sa Spain bilang preparasyon sa FIBA World Cup na magsisimula Agosto 31 sa China.
Umiskor naman ng 22 points si Japeth Aguilar habang nagtala ng 16 points si Mark Barroca.
Bagama’t nagulat si coach Yeng Guiao sa resulta, inudyukan niya ang pambansang koponan na ipagpatuloy ang misyon na maimprove pa lalo ang kanilang laro.
“It’s a good sign, but we don’t really want to put too much emphasis on that win. What we want to emphasize is to just to keep working, grinding it out, and focusing on execution,” pahayag ni Guiao sa ESPN5.
Kakalabanin ng Gilas ang Ivory Coast sa huling tune-up sa Guadalajara sa Miyerkules ng gabi o Huwebes ng umaga dito sa Pilipinas bago tumulak ng Malaga para sa four-team pocket tournament na lalahukan din ng Congo, Ivory Coast at Spain.
120