Isa na namang Olympic qualifying tournament na nakatakdang lahukan ng Pinoy athletes ang hindi matutuloy dahil sa novel corona virus (nCov) outbreak sa China.
Kinumpirma ni Philippine Taekwondo Association (PTA) chairman for regional affairs Stephen Fernandez ang kanselasyon ng Taekwondo Asian Qualification Tournament para 2020 Tokyo Olympics.
Ang tournament ay dapat sanang gagawin sa Abril 10-11 sa siyudad ng Wuxi na nasa southern part ng Jiangsu province.
Ito ang ikalawang Olympic Qualifier na kinansela sa China sanhi ng nasabing nCoV outbreak.
Una nang nakansela ang Asia-Oceania Boxing Olympic qualifying tournament na nakatakda simula Pebreo 3 hanggang 14 sa Wuhan.
Sa halip ay inilipat ang nasabing kompetisyon sa Amman Jordan sa Marso 3-11.
“China has cancelled the hosting of the Asian qualifiers due to the nCov virus,” lahad ni Fernandez matapos matanggap ang balita mula sa organizer.
Dagdag ni Fernandez, ginagawan na ng paraan ng World Taekwondo Asia kung papaanong maisasalba ang qualifiers, na sa buwan pa rin ng Abril gagawin.
“It (WTA) has opened the hosting and bidding for the qualifiers to interested countries.”
Kabilang sa mga sasabak sa qualifiers sina Pauline Lopez, Samuel Morrison, Dave Cea, at Kurt Bryan Barbosa, pawang mga gold medalist sa nakaraang 30th SEA Games.
136