(NI LOUIS AQUINO)
PINABAGSAK sa third round ni Filipino boxer Johnriel ‘Quadro Alas’ Casimero ang liyamadong si South African Zolani Tete para makuha ang WBO Bantamweight World title sa Arena Birmingham, United Kingdom Linggo ng umaga (Manila time).
Dahil sa panalo ay kabilang na ngayon si Casimero sa mga Filipino boxing champions na may tatlo o higit pang world titles gaya nina Manny Pacquiao, Nonito Donaire Jr., at Donnie Nietes.
Kalagitnaan ng third round nang tamaan ng solidong kanan ni Casimero ang ulo ng defending champion na si Tete, na napaluhod sa canvass.
Nakatayo naman ni Tete ngunit muli siyang pinaulanan ng sunod-sunod na suntok ng Pinoy boxer Casimero na ikinabagsak sa pangalawang pagkakataon ng South African.
Muling nakabangon si Tete kaya’t itinuloy ni Casimero ang pagsugod sa kanya hangang sa pumagitna na ang reperi at itinigil ang laban sa nalalabing 49 segundo.
Ito ang ikaapat na titulo ng 30-anyos na si Casimero na nagpakita ng galing sa 29-4 panalo-talong record, 20 sa pamamagitan ng knockouts.
173