KINALAMPAG ni Senior Citizens Party-list Representative Rodolfo “Ompong” Ordanes ang Social Security System (SSS) upang ibigay na ang second tranche ng karagdagang P1,000 sa pensyon ng senior citizen retirees.
Alinsunod anya ito sa Republic Act 11199 o ang Social Security Act of 2018.
Ayon kay Ordanes, matapos aprubahan ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang dagdag pensyon noong 2017, naglabas ng memorandum ukol dito si dating Executive Sec. Salvador Medialdea.
Nakasaad din aniya sa batas ang dahan-dahan na dagdag sa kontribusyon ng mga miyembro mula sa 12% noong 2019 hanggang sa 15% ngayon taon. Dahil sa pagtaas ng contribution rate, sabi pa ni Ordanes, tumatag ang pondo ng SSS kaya nagkaroon na ng kapasidad ang ahensya na ibigay ang dagdag pensyon sa senior citizen na nagretiro sa pribadong sektor.
“Noong 2023, umabot sa P83.13 bilyon ang kita ng SSS na higit 62% sa kanilang target at noong 2024, inasahan na aabot sa P140 bilyon ang kanilang kita,” ani Ordanes.
Ngayon taon, P51.5 bilyon ang inaasahang madadagdag sa kita ng SSS dahil itinakda na sa P5,000 ang minimum salary credit at pinakamataas sa P35,000.
Ang pagtaas ng kita ng SSS ang nag-udyok kay Ordanes upang ulitin ang kanyang apila noong 2020.
“Umaapila ako para sa senior citizens at pensioners na ang tanging inaasahan para sa kanilang mga gamot at pangangailangan ay ang kanilang pensyon,” sabi pa ng namumuno sa House committee on senior citizens.
Nabanggit din niya na tumaas na rin ang halaga ng mga bilihin at serbisyo kaya’t malaking tulong ang dagdag na pensyon.
