UMAANI ngayon ng samut- saring reaksyon mula sa netizens ang inilabas na statement ni Rep. Eufemia Cullamat ng Bayan Muna sa pamamagitan ng video sa social media.
May mga nakikisimpatiya sa kanya bilang isang magulang na namatayan ng anak, pero mas marami ang puna sa kanya.
Napanood din natin ang kanyang pahayag sa social media, mas nangibabaw sa kanyang sinabi ang pagtatanggol niya sa grupong simahan ng kanyang anak (NPA) at sa Bayan Muna.
Sabi nga ng tagasubaybay ng puna halatang may pinoprotektahan si Rep. Cullamat sa kanyang inilabas na statement kamakailan. Halatang scripted at iba raw ang gumawa ng kanyang statement kasi hindi mabigkas ng tama ng kongresista ang mga nakasulat sa kanyang binabasa.
May mga puna rin sa kanya mula sa netizens na sinisisi siya sa pagkamatay ng kanyang anak na si Jevilyn Cullamat, alias “Ka Reb” na miyembro ng armed unit ng Northeastern Regional Committee Guerilla Front 19 Platoon bilang isang medic.
Hindi raw naturuan ng mabuti ni Rep. Cullamat si Jevilyn kaya nalihis ito ng landas kaya nakapasok sa makakaliwang grupo. Imbes daw na tanggapin ang sinapit ng anak dahil pumasok ito sa grupong kalaban ng gobyerno ay binigyan pa nito ng dahilan kaya ito nagrebelde.
Partikular na tinukoy ni Rep. Cullamat ang ginagawang operasyon ng militar sa mga lugar ng mga katutubo (Lumad) na kinaaaniban nila. Sabi tuloy ng ilan sa puna sa kanya, bakit wala bang karapatan na mag-operate ang militar sa kanilang lugar?
Natural lang na mag-o-operate ang militar sa kanilang lugar dahil sakop yan ng Pilipinas. Isa pa dahil may mga pinagdudahan sa kanilang tribu na kasapi ng NPA. Bakit kayo matatakot mag-operate ang mga awtoridad sa inyong lugar kung hindi naman kayo miyembro ng kalaban ng gobyerno?
Nagsawa na ang taumbayan sa makakaliwang grupo, matagal na silang piniperwisyo nito wala naman silang pakinabang dito. Kaya tuloy marami sa kanayunan ang hindi nakakapagsaka ng maayos sa kanilang mga bukirin dahil piniperwisyo sila ng mga makakaliwang grupo.
Sabi nga nila kakarampot lang ang kanilang inaani ay hinihingan pa sila ng makakaliwang grupo. Saan sila pupulutin? Kaya lalo silang naghihirap.
Kahit hindi na gumawa ng paninira ang gobyerno sa inyo, mismo ang taumbayan na ang nagdesisyon na lumayo sila sa inyo dahil sa kanilang naranasan sa inyo.
Namulat na sila sa katotohanan na walang silang napala sa inyo.
Marami nang lumabas sa inyong samahan at isiniwalat nila ang kahirapan na kanilang dinanas habang nasa loob sila ng samahan. Lahat ng gawain, masama man o mabuti ay kusang sisingaw yan. Pag sumingaw yan mismo ang tao na ang mamimili kung saan sila papanig sa makabubuti sa kanila o makakasama.
Balik po tayo sa pagkamatay ni Jevilyn sa barilan sa Surigao del Sur kamakailan, sinasabi na isang medic daw ang anak ni Rep. Cullamat. Bakit hindi raw ito nakasuot ng damit para sa isang medic?
Mali rin naman ang ginawa ng militar na ilabas at pagpistahan ang picture ng bangkay ni Jevilyn. Sa tama lang po tayo, kahit na nasa gobyerno ka kung mali naman ang iyong ginagawa ay kailangan ka ring punahin.
Uhaw na ang taumbayan sa kaunlaran kaya panahon na para mawakasan ang hindi pagkakaunawaan. Wala pong makatutulong sa ating katahimikan kundi tayo mismong mga Pinoy.
Peace! Peace! Peace!
Pasko na (December), Merry Xmas po sa ating lahat.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.
