APRUBADO na sa committee level sa mababang kapulungan ng Kongreso ang panukalang itaas sa 16- anyos ang edad ng statury rape, hindi lamang sa mga batang babae kundi maging sa mga lalaki.
Sa joint hearing ng House committees on the revision of laws na pinamumunuan ni Zambales Rep. Cheryl Deloso-Montalla at Committee on the welfare of children ni Tingog party-list Rep. Yedda Marie Romualdez, walang kahirap-hirap na inaprubahan ang nasabing panukala.
Sa kasalukuyan ay kailangang 12-anyos ang edad ng ginahasa para maituring na statutory rape at tanging sa mga batang babae ito nagagamit.
Subalit kapag tuluyang naging batas ang nasabing panukala, ituturing na ‘statutory rape’ ang panggagahasa sa mga batang edad 16-anyos pababa, babae man ito o lalaki.
Bukod dito, hindi na rin tatanggapin ang karaniwang ginagawa ng mga suspek na pinakakasalan na lamang ang kanilang biktima upang makaiwas sa mabigat na parusa.
“The provision now is that forgiveness and subsequent marriage of the offended party to the offender shall not extinguish the crime of rape,” ani Agusan del Norte Rep. Lawrence Fortun.
Kahit umatras ang biktima at magpasyang huwag nang ituloy ang kaso ay hindi na rin uubra dahil mismong ang estado na ang magpapatuloy nito upang masiguro na maparusahan ang mga salarin ng reclusion perpetua o habambuhay ng pagkabilanggo.
Ipinasa ang nasabing panukala sa gitna ng ulat na dumami ang kabataang biktima ng sekswal na pang-aabuso ngayong panahon ng pandemya. (BERNARD TAGUINOD)
344 