KINALAMPAG ni Senador Raffy Tulfo ang gobyerno upang bigyan ng disenteng pasahod para ang mga street sweepers at iba pang government workers na tumatanggap ng mas mababa pa sa industry standard.
Iginiit ni Tulfo na ang gobyerno ang dapat nangunguna sa pagsunod sa labor standards na nagbibigay ng karapatan sa mga empleyado na makatanggap ng minimum wage.
“Hanggang ngayon, marami pa ring empleyado sa gobyerno ang walang seguridad sa trabaho at sapat na sahod, kabilang na dito ang street sweepers at traffic aides sa iba’t-ibang munisipalidad,” saad ni Tulfo.
“Sila marahil ang may pinakamahirap na trabaho — nakababad sa araw o di kaya ay nauulanan at nakakalanghap ng polusyon. May kalakip ding panganib ang trabaho nila pero ang kapalit ay maliit at di sapat na sweldo,” dagdag ng senador.
Hamon pa ng mambabatas na kung seryoso ang gobyerno na protektahan ang karapatan ng mga manggagawa, dapat itong simulan sa pagtiyak ng disenteng sahod sa kanilang mga kawani.
Sa ilalim ng Local Budget Circular No. 143, ang sweldo ng street sweepers at traffic aides ay nakadepende sa klasipikasyon ng kita ng mga Local Government Units (LGUs).
Ang mga street sweepers ay maaaring kumita ng mula P8,648 hanggang ₱14,993 sa isang buwan o katumbas ng ₱376 sa isang araw.
Ang mga traffic aides naman ay maaaring kumita ng mula ₱9,181.00 hanggang ₱17,899 sa isang buwan o ₱399 kada araw.
“Marami pa rin sa street sweepers at traffic aides ang sumasahod below industry standard dahil nakasalalay pa din sa financial capacity ng bawat LGU ang sahod na matatanggap nila. Habang mas mababa ang income classification ng LGU ay mas mababa pa sa minimum wage ang sweldo ng mga traffic aides at street sweepers natin,” saad ni Tulfo.
Binigyang-diin ng mambabatas na dapat magsilbing magandang halimbawa ang gobyerno para mahikayat ang mga pribadong kumpanya na sumunod sa labor standards na nakasaad sa batas. (DANG SAMSON-GARCIA)
385