PORMAL na inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG), na pinamumunuan ni Interior Secretary Jonvic Remulla, si Davao City Vice Mayor Sebastian “Baste” Duterte na umaktong Acting Mayor ng Davao City bunsod ng temporary legal incapacity ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte (FPRRD), na siyang iprinoklama bilang mayor-elect in absentia ng nasabing siyudad
Nakabase ang kautusan ng DILG sa Section 46(a) ng Local Government Code, na malinaw na isinasaad na “in cases of temporary incapacity, whether physical or legal, the Vice Mayor shall automatically perform the duties and exercise the powers of the Mayor.”
“You are hereby enjoined to perform the duties and functions of Mayor of Davao City to prevent paralysis of government operations,” ayon sa liham na inilabas ni Secretary Remulla na may petsang Hunyo 30, na naka-address kay Vice Mayor Duterte.
Bagama’t kinumpirma ng Commission on Elections (Comelec) ang proklamasyon ng dating pangulong Rodrigo Duterte bilang Davao City mayor sa kabila ng pagliban nito, binanggit ang umiiral na mga legal na isyu na humahadlang sa kanyang pagluklok sa pwesto.
Sa isang pahayag, idiniin ng DILG na ang kautusan ay batay sa Section 46(a) ng Local Government Code, na malinaw na nakasaad na sa mga kaso ng pansamantalang kawalan ng kakayahan, pisikal man o legal, ang bise alkalde ay awtomatikong gagampanan ang mga tungkulin at gagamitin ang kapangyarihan ng alkalde.
Alinsunod sa kaparehong succession framework, itinalaga rin ng DILG ang first ranked Sangguniang Panlungsod member na si Rodrigo Duterte II bilang acting vice mayor.
“This is pursuant to Administrative Order No. 15, series of 2018, which lays down rules on the temporary filling of vacancies in local elective offices,” paliwanag ng DILG.
Ipinunto ni Remulla na binibigyang-diin ng DILG na ang aksyon ay parehong legal at kinakailangan upang matiyak ang pagpapatuloy ng pamumuno sa Davao City sa gitna ng patuloy na paglilitis na kinasasangkutan ng dating Pangulo sa International Criminal Court.
(JESSE KABEL RUIZ)
