(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
MISTULANG ginawang legal ng Malakanyang ang smuggling ng asukal nang sabihin ni Executive Secretary Lucas Bersamin na hindi kinakailangan ng sugar order bago ang importasyon nito.
Bagay na hindi pinalampas ni Senador Risa Hontiveros na nagsabing “hindi pwedeng moving target ang batas.”
Nangyari ito sa gitna ng pagkwestyon ng senadora sa pagdating sa bansa ng 440,000 metric tons ng imported sugar noong Pebrero kahit hindi pa nailalabas ang Sugar Order No. 6.
Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Bersamin na ‘legally covered’ ng presidential directive ang importasyon at hindi lamang ng sugar order.
“Hindi pwedeng moving target ang rules and regulations. Otherwise, bakit pa tayo may mga batas? Bakit pa tayo may regulatory agencies tulad ng Sugar Regulatory Administration?” giit ni Hontiveros.
Aminado si Hontiveros na tila magulo ang polisiya ng gobyerno at tila naagawan ng executive ng trabaho ang legislative department pagdating sa paggawa ng batas.
“Grabe ang implikasyon. Ang nasaksihan po natin ay pagbabago ng patakaran, pagbabago ng in effect batas, right in front of our very eyes para sabihing hindi pala kailangan ng sugar order bago mag-angkat ng asukal na isang regulated commodity,” pahayag ni Hontiveros.
“So on the one hand, bakit pa nagkandaugaga ng Blue Ribbon, noong nakaraang taon doon sa naunang sugar order na ang isyu noon ay kung wastong sugar order ba ito na walang pirma ng Presidente? Eh ito nga paulit-ulit naming sinasabi ni walang sugar order, di ba’t mas malaking issue pa iyon?” dagdag ng senadora.
“Para sabihin isasantabi na yan, dahil nakapag-isyu naman ng import clearance bago itong asukal na inangkat o bago itong asukal na inismuggle ay irerelease sa merkado, tama po ba yun? Sa plain reading ng batas, mukhang mali po iyon,” giit pa ng mambabatas.
Nauna nang binigyang-diin ni Bersamin na walang iregularidad sa di umano’y ilegal entry ng sugar shipments sa bansa bago pa ipinalabas ang Sugar Order No. 6.
“We confirm that the importation was legitimate and fully authorized by the government. The importation was not an effort at cartelization, nor was it about government smuggling of sugar,” ani Bersamin.
Sinabi pa ni Bersamin na ang importasyon ay “sincere move” para tugunan ang tumataas na inflation at sugar prices. (DANG SAMSON-GARCIA/CHRISTIAN DALE)
148