HINDI pa tukoy ng pulisya ang posibleng motibo sa pagpapatiwakal ng isang tauhan ng Station 12 ng Quezon City Police District (QCPD) sa loob ng kanilang tirahan noong Linggo ng madaling araw sa Caloocan City.
Ayon sa ulat, kasamang kumakain ni P/Cpl. Mark Pineda, 32, ang menor de edad niyang anak na lalaki sa kusina ng kanilang tirahan sa Phase 4, Package 2, Blk. 13, Lot 21, Brgy. 176, Bagong Silang dakong alas-4:00 ng madaling araw nang mapansin ng asawang si Lorna, 28, ang pagpasok ng mister sa kanilang silid.
Pagkaraan ay narinig ng ginang ang pagkasa ng biktima ng kanyang service firearm at ang pagpaputok ng isang beses.
Agad tinungo ng ginang ang kanilang silid at dito ay tumambad sa kanya ang biktimang umaagos ang dugo sa ulo sanhi ng isang tama ng bala.
Humingi ng saklolo sa Sub-Station 12 ng Caloocan City Police ang ginang na sila namang nagparating sa kaalaman ng mga imbestigador sa tanggapan ng Investigation and Detective Management ng North Extension Office (NEO) upang magsagawa ng pagsisiyasat.
Pagpapatiwakal ang inisyal na ulat na isinumite ng mga imbestigador kay Caloocan Police Chief P/Col. Samuel Mina bagama’t nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon. (FRANCIS SORIANO)
