SUKO NA BA SA TRAPIK?

DPA Ni BERNARD TAGUINOD

WALA na bang talagang solusyon ang problema sa trapik sa Metro Manila at sumuko na rin ba ang mga awtoridad lalo na ang local government units (LGUs) sa problemang ito.

Wala na kasi ang tinatawag na “rush hour” ngayon dahil buong maghapon na ang problema sa trapik sa buong Metro Manila at tila wala na ring magawa ang Metro Mayors kundi panoorin na lang

kung papaano naiipit sa trapik at nagsusunog ng gasolina ang mga ­motorista sa gitna ng kalsada.

Malamang idadahilan ng LGUs na “holiday season, eh, kaya ­asahan na ang trapik dahil halos lahat ng mga tao ay lumalabas”. Lagi na nating naririnig ito tuwing holiday season.

Ilang dekadang ikinakatuwiran ito ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at Land Transportation Office (LTO) pero bakit hindi nakahanap ng solusyon, eh, ang tagal na itong problema sa Metro ­Manila.

Para tuloy naniniwala ako na hindi talaga sinusolusyunan ang problema sa trapiko dahil kung talagang naghanap sila ng solusyon, malamang ay nagkaroon na sila ng ideya dahil deka-dekada na itong nangyayari sa atin pero hanggang ngayon, walang maisip na ­puwedeng gawin para pagsapit ng Christmas season ay hindi lumalala ang sitwasyon sa mga lansangan.

Marami na tuloy ang naniniwala na sinukuan na ng Metro Manila Mayors, MMDA at LTO ang problemang ito at bahala na ang mga tao kung papaano dumiskarte para hindi maipit sa trapik.

Wala rin tayong naririnig na komento man lang mula sa ­Department of Transportation (DOTr) sa problemang ito kaya maging ang national government ay parang sumuko na rin sa trapik.

Sabagay, hindi nararanasan ng mga executive ang trapik dahil meron silang mga escort na naghahawan sa kalsada para makadaan sila nang mabilis at walang istorbo kaya hindi nila ramdam ang problema.

Kung mapapansin n’yo, mga VIP pa ang may mga escort na ­pumapasok sa one-way para makadaan nang mabilis at pagdating sa kanto, pinapahinto ang mga sasakyan para makadaan sila… hindi na nahiya.

Hindi na rin ako magtataka na baka muling buhayin ng ­executive department ang panukala noong panahon ni Digong na bigyan ng ­especial o emergency power ang Pangulo para masolusyunan ang trapik sa Metro Manila.

Sa pamamagitan ng executive power ng Pangulo, magkakaroon ng karagdagang proyekto na hindi na daraan sa bidding at tapyasan ang mga istruktura sa gilid ng mga kalsada para mapalawak ang mga daan.

Baka may bibo ulit sa gobyerno na kapatid ng mga bibong ­nagmungkahi kay Digong na bigyan siya ng emergency, ang ­magmungkahi nito kay PBBM tapos iraratsada ulit sa Kongreso.

Baka kung hindi pinagbigyan ng Kongreso si Digong noon ay baka ngayon ay maisasakatuparan na ito dahil walang imposible ngayon sa Kongreso, ha. Lahat lumulusot!

213

Related posts

Leave a Comment