SUMIKLAB ang sunog sa compound ng ABS-CBN sa Sgt. Esguerra Avenue, Quezon City, dahilan upang pansamantalang suspindehin ang mga programa ng TeleRadyo at ANC kahapon ng umaga.
Bandang 7:00 ng umaga (September 6) nang magsimula ang sunog sa Main Building, kung saan matatagpuan ang production studio at opisina ng Integrated News and Current Affairs division na nagpapatakbo sa Teleradyo at ABS-CBN News Channel.
Sa pahayag ni ABS-CBN “Sakto” co-host Jeff Canoy, kasalukuyan siyang nagpoprograma ng makarinig ng fire alarm, at agad na pinasuspinde ang mga live news programs.
Agad namang naglabasan ang mga empleyado ng ABS-CBN sa Main Building matapos mabalot ng makapal na usok ang loob ng gusali.
Nabatid na nanggaling umano ang usok sa tanggapan ng Knowledge Channel na nasa ika-3 palapag.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng ABS-CBN Safety and Events Risk Management Department, electrical outlet sa opisina ang pinagmulan ng apoy.
Makalipas ang ilang minuto ay naapula ang sunog dahil sa sprinkler at alarm system ng building subalit dahil sa makapal na usok ay napilitan umano ang safety unit na pagbabasagin ang mga bintana para mabombahan ng tubig ang lugar.
Wala namang naiulat na nasugatan sa insidente at agad ding ibinalik sa ere ang live programs bandang alas-10 ng umaga. (LILY REYES)
218