SA mga senior citizen, kababaihan, estudyante at iba pang mga residente ng Montalban humuhugot ng lakas at inspirasyon si Congressman Fidel Nograles kaya hindi siya napapagod sa house-to-house campaign kahit na tirik-na-tirik ang araw habang ginagawa niya ito.
Ito ang sinabi ni Cong. Fidel Nograles sa panayam sa kanya ng mga taga-media sa kanyang isinagawang H2H campaign sa mga barangay ng Manggahan at Burgos sa Montalban, Rizal nitong Miyerkoles ng nakaraang linggo (Abril 9, 2025).
Nakasama ng kongresista sa aktibidad ang mga residente ng dalawang nabanggit na barangay.
Dakong alas-2:00 ng hapon, nagsimulang magtipun-tipon sa tabi ng Rural Bank Manggahan ang mga taga-suporta ni Cong. Nograles na kung saan sinimulan ito ng libong mga residente ng bayan ng Montalban.
Habang nakatambay ang mga taga-suporta ni Cong. Nograles sa nabanggit na lugar, may nakaparadang tow truck mula sa munisipyo ng Montalban habang panay rin ang ikot ng dalawang sasakyan ni Tom Hernandez na may malakas na patugtog ng campaign jingle at kung anu-ano pang ginagawa nila para magpapansin.
Si Tom Hernandez ay katunggali ni Cong. Nograles sa kanyang ikatlo at huling termino sa pagka-kongresista sa Rizal 4th District (Montalban).
Napag-alaman na isa sa mga driver ng dalawang sasakyan ni Hernandez ay walang driver’s license matapos na makasagi ito ng isang kotse na nakaparada sa lugar. Nang kinausap ng may-ari ng nabanggang kotse ang nasabing driver ay sinabi nitong naiwan ang kanyang lisensiya kaya babalik siya kinabukasan.
Sa kabila ng mga tangkang panggugulo ay hindi naman nagpatinag ang mga tagasuporta ni Cong. Nograles na lalo pang dumami.
Dakong alas-4 ng hapon ay dumating si Cong. Nograles sa lugar upang simulan pag-usad ng house to house campaign ng mambabatas kasama ang libo niyang tagasuporta. Kaugnay nito, mainit naman ang pagtanggap ng bawat may-ari ng bahay at pamilya na dinadaanan nila sa pamamagitan ng pakikipagkamay at pagpapakuha ng litrato sa kongresista.
Bawat madaanan at makamayan ni Nograles sa kanyang H2H campaign ay ipinapangako ng mga residente ang muli nilang pagsuporta sa batang mambabatas.
Ayon pa sa ilang nakapanayam ng SAKSI NGAYON, walang kapares ang serbisyong ibinibigay sa kanila ni Cong. Fidel Nograles kung kaya’t nais nilang ipagpatuloy nito sa Kamara ang kanyang serbisyo hanggang sa katapusan ng termino nito.
Binanggit pa nila, na lahat ng aktibidad ni Cong. Nograles ay kanilang sinusuportahan dahil wala ring katapusan o hindi nagsasawa sa pagsuporta sa kanila ang kongresista. Kaya nga mula sa mga senior citizen, kabataan, estudyante, rider, negosyante at out-of-school youth ay nakiisa sa bahay-bahay na kampanyahan ng mambabatas.
Sa interview ng mga taga-media kay Cong. Nograles, sinabi niya na ang nagpapalakas at inspirasyon sa kanya kaya hindi siya napapagod sa pag-iikot kahit na mainit ang araw ay ang mga senior citizen, kabataan at mga residente ng Montalban.
Aniya, ipagpapatuloy at ipaglalaban niya ang kapakanan ng mga taga-Montalban sa kanyang ikatlo at huling termino sa kongreso.
“Itutuloy ho natin ang aking nasimulan, ang ating mga programang imprastraktura, mga tulong pinansyal, lahat po ito ay para sa mga taga-Montalban, tatapusin ko ho lahat ang ating nasimulan, pangako ko po yan,” dagdag pa ni Nograles.
“Humuhugot ako ng lakas, sa aking mga supporter. Lubos po akong nagpapasalamat sa mga taga-suporta sapagkat sa kanila ko kinukuha ang aking lakas, aking inspirasyon, kaya ho tayo tuluy-tuloy na nakikipaglaban araw-araw. Sila po ang aking dahilan kung bakit ako nakikipaglaban,” paglalahad niya.
“Tuluy-tuloy po ang ating mga proyekto, tulad ng imprastraktura sa huling kong termino lalo na para ho ito sa kalusugan ng mga taga-Montalban. Para ho sa tao ito mahalaga ho sa akin na matapos yung akong programang pangkalusugan tulad ng ipinagagawang ospital (Northern Tagalog Regional Hospital) kasi marami na hong nagkakasakit, lalo na sa panahon ngayon sobrang init para hindi na ho mapalayo sa dekalidad na serbisyong medikal para ho ating mga senior citizen,” tinukoy pa ni Nograles.
Sa pagtatapos ng interview kay Nograles, pinasalamatan niya ang kanyang mga tagasuporta at kasabay nito tiniyak na kanyang ipagpapatuloy ang mga programa para sa mga residente ng Montalban.
(JOEL O. AMONGO)
