TINIYAK ni dating Manila mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso na ibabalik niya ang dati na niyang ginagawa noong siya pa ang Ama ng Lungsod, lalo na ang apat na pangunahing pangangailangan ng tao kapag siya ay muling palarin na mailuklok bilang alkalde kabilang rito ang healthcare, trabaho, edukasyon at pabahay.
Marami namang taga-Maynila ang naniniwalang makakabalik bilang alkalde sa lungsod si Domagoso sa kabila ng mga ibinabatong akusasyon at paninira laban sa kanya ng mga katunggali sa pulitika, na kung saan nanatili pa ring malakas at matatag ang suporta sa dating aktor sa pinilakang tabing.
Sa ginaganap na mga caucus ng ex-mayor, marami pa ring Manilenyo ang namangha kay ‘Yorme’ at naniniwala sa kanyang magandang nagawa, lalo na noong panahon ng Covid-19 pandemic na kung saan nairaos niya ang mga taga-Maynila laban sa nakamamatay na sakit sa pamamagitan ng pagbili ng mga gamot at pagpapatayo ng mga Covid field hospital na tanging siya o ang lungsod ng Maynila lamang ang nagkaroon nito.
Ngayong tumatakbong siyang muli bilang alkalde, nangako rin si Yorme na ibabalik ang kapanatagan ng bawat mamamayan ng lungsod kasabay ng kanyang pakiusap na siya ay tulungang muling maluklok bilang punong lungsod kasama na rin ang kanyang buong slate ng konsehal upang mayroon siyang makakatuwang sa lahat ng kanyang mga proyekto at programa para sa bawat Manilenyo.
Tiniyak din ni Yorme na ang gobyerno sa Maynila ay mararamdaman muli na kahit sa dis-oras ng gabi ay may kapanatagan.
“Ibabalik ko ulit ang kaayusan at malinis na lungsod ng Maynila. Magkakaroon ulit ng gobyerno sa lungsod ng Maynila,” saad nito.
“‘Nay, ‘tay, hindi ko kayo mapapayaman, in fact, walang gobyerno Republikano, Demokratiko, monarkiya o kahit ano pang gobyerno iyan.
Hindi ‘yan mapapayaman ang tao pero ang gobyerno kayang pataasin ang antas ng pamumuhay ng tao siya ay “may masisilungan, siguruhing siya ay may trabaho, makakapasok sa eskuwela, kapag nagkakasakit maayos at may magagamit na gamot ang ospital para sa kanya.”
“Iyan ang gagawin ko. Nagawa ko na dati , gagawin ko lang ulit para sa inyo,” dagdag ng nagbabalik alkalde .
Sa tulong ng kanyang vice mayoralty candidate na si Chi Atienza at buong slate ng Yorme’s Choice, siniguro ni Domagoso na muling sisigla ang Maynila na ilang taon ding napabayaan at naging dugyot.
(JOCELYN DOMENDEN)
