TINIYAK ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) na tuloy-tuloy ang suporta nito sa modernization efforts ng Armed Forces of the Philippines (AFP), sa pamumuno ng bagong hirang na si AFP Chief of Staff, General Romeo S. Brawner Jr.
“The BCDA welcomes the appointment of General Romeo S. Brawner Jr. as the new AFP Chief of Staff. The AFP, under the leadership of General Brawner, can be assured of BCDA’s usual commitment and support to modernize our armed forces,” pahayag ni BCDA Chairman Delfin N. Lorenzana.
“Naniniwala kami na sa matatag na pamumuno at napatunayang propesyonalismo ni General Brawner, pananatilihin ng AFP ang reputasyon nito bilang isang propesyonal na organisasyon at mapapanatili ang mga makabuluhang tagumpay nito.”
Itinalaga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., si General Brawner bilang ika-60 AFP chief noong Hulyo 21, sa isinagawang ‘change of command ceremony’ sa Camp General Emilio Aguinaldo sa Quezon City.
Nagpahayag din ng kumpiyansa si Lorenzana na dating kalihim ng Kagawaran ng Tanggulang Pambansa, na ang bagong hepe ng AFP ay magpapakita ng katatagan sa kanyang pangako na pagtalima sa kautusan ni Pangulong Marcos na maisulong nang husto ang modernisasyon ng sandatahang lakas.
Alinsunod sa Republic Act No. 7227, ang BCDA ay inatasan na makalikom ng pondo para sa AFP Modernization Program at gawing sentro ng ekonomiya ang mga dating base militar ng US.
Mula nang itatag ito noong 1992, umabot na sa P59.71 bilyon ang kontribusyon ng BCDA sa AFP. Sa halagang ito, P48.59 bilyon ang napunta sa AFP Modernization Program at P11.12 bilyon sa replikasyon ng mga pasilidad ng militar.
Si General Brawner ang ikatlong AFP chief na hinirang ni Pangulong Marcos, Jr. Siya ang humalili kay General Andres C. Centino, na itinalaga bilang Presidential Adviser sa West Philippine Sea.
Bago manguna sa AFP, itinalaga si Brawner bilang commanding general ng Philippine Army. Nagsilbi rin siya bilang tagapagsalita ng AFP, Battalion Commander ng 2nd Special Forces Battalion, Operations Officer ng Special Forces Regiment (Airborne), at Public Affairs chief ng Philippine Army.
Ang bagong AFP chief ay bahagi ng Philippine Military Academy “Makatao” Class of 1989 kung saan siya ay nagtapos ng pangalawa sa kanyang batch. (JESSE KABEL RUIZ)
