SUPORTA SA KASO NG BREAST CANCER, MARKADO SA TATTOO THE WORLD

TATTOO THE WORLD-1

(Ni ANN ESTERNON)

Naging makabuluhan ang Dutdutan 19: Philippine Tattoo Expo sa World Trade Center sa Pasay noong Setyembre 20 at 21 na dinaluhan ng iba’t ibang tattoo enthusiasts – Pinoy at mga dayuhan.

Bukod sa nakaugaliang exhibition na ito ng tattoo artists na nagmula sa iba’t ibang lugar sa bansa ay mas naroon din ang hindi matatawarang pakikiisa ng tattoo enthusiasts sa suportang ibinigay nila sa proyekto ng Tattoo the World.

Ang Tattoo the World bilang isang Tattoo Tulong ay isang charity project ng tattoo legend na si Ricky Sta. Ana at ng Philippine Tattoo Artists Guild, Inc. o Philtag. Hinikayat ng mga ito ang publiko na magpata-tattoo ng heart ink sa naturang event.

Ang heart ink ay may laking 1×1 inch sa halagang P1,000. Ikinatuwa ito ng pamunuan ng Dutdutan 19 dahil napakarami ang pumila at astig na tumulong sa charity na ito.

Ang lahat ng donasyon ay mapupunta sa benepisyaryo nila na Kasuso ng Philippine Foundation for Breast Care, Inc.

Ang kanser sa suso ay ang pinakamalaking hamon at uri ng sakit para sa mga kababaihan. Ang sakit na ito sa Pilipinas ay isa sa pinakamataas na insidente ng kanser sa Asya. Katunayan tayo ang nangunguna sa Asya sa pinakamaraming tala ng may breast cancer.

Maliban pa rito, sinasabing tatlo sa bawat 100 Filipina ay nagkakaroon ng cancer na ito bago pa tumuntong ng 75-anyos, at marami sa kanila ay namamatay din bago pa marating ang nasabing edad.

Dito humugot ng dahilan ang grupo ni Sta. Ana para makapagbigay ng tulong na magmamarka sa kultura pa ng mga Pinoy sa pagtulong sa kapwa.

Ang dalawang araw na okasyon na ito ng Dutdutan 19 ay proyekto rin ng Philtag at ni Sta. Ana.

Maliban sa pagta-tattoo na nasaksihan dito ay nagkaroon din ng Tribal Bikini Contest, at siyempre pa ay pagtatanghal ng iba’t ibang mga sikat na banda tulad ng Tropical Depression, Lolita Carbon at bandang Asin, Imago, Basti Artadi, Franco, Barbie Almalbis, Color It Red, Brownman Revival, Kjwan, Rocksteddy, Queso, Greyhounds, at iba pa.

224

Related posts

Leave a Comment