MALALA ang favoritism sa relief operations ng mga barangay dahil tanging supporters umano ng mga barangay captain ang binibigyan ng ayuda habang pinagdadamutan ang mga hindi bumoto sa kanila.
Ito ang kinumpirma ni House deputy minority leader Carlos Zarate ng Bayan Muna kaugnay ng relief operations naisinagawa ng mga Local Government Unit (LGUs) na idinadaan sa mga barangay captain.
“We have received reports from barangays all over the country like in Manila, Quezon City, Mandaluyong, Rizal, Tacloban, Gen. Santos City and several other areas in Mindanao that quarantined residents, particularly the poor, have yet to receive relief goods,” ani Zarate.
“For areas that there have been relief distributions, favoritism had been prevalent and only the supporters of the barangay captain were given,” dagdag pa ng progresibong mambabatas.
Ganito rin umano ang nangyayari sa ibang barangay sa malalayong lugar at ang ikinakatwiran ng mga punong barangay ay kulang ang relief goods na nakararating sa kanila.
Dahil dito, hindi lahat ng mga naka-quarantine na pamilya ay nakatatanggap ng relief goods na tanging pag-asa ng mga ito upang makakain ngayong umiiral ang enhanced community quarantine sa buong Luzon.
Sanhi nito, umapela ang mambabatas na makialam na ang mga nasa itaas na awtoridad upang makarating sa lahat ng residente ang ayuda ng pamahalaan. BERNARD TAGUINOD
