HINILING ni Senador Joel Villanueva sa pamahalaan na magsagawa ng surveillance testing upang mapanatili ang trabaho habang pataas ang bilang ng bagong kaso ng COVID-19.
Ayon kay Villanueva, mas mabilis malalaman kung saan nanggagaling ang hawaan at mapigilan itong iuwi ng mga manggagawa sa kani-kanilang mga tahanan kung regular na ginagawa ang random testing sa mga lugar-paggawa.
Idiniin ni Villanueva, chairman ng Senate labor committee, na isang mahalagang elemento ang random testing sa mga workplace sa pagpapabagal ng pagkalat ng COVID-19 sa iba’t ibang lugar. Noong Marso 15, naitala ng Department of Health ang 5,408 na bagong kaso, antas na huling nakita noong kasagsagan ng mga kaso noong Agosto 2020.
“Ang pinakamahalagang occupational safety and health program na dapat ipatupad, maliban sa vaccination, ay ang workplace testing. Istrikto tayo sa helmet at protective gear ng mga rider ng motor, ngunit pag dating sa testing sa mga lugar-paggawa, hindi lang lax, kapos pa?” ayon kay Villanueva. “Maiiwasan po natin magpatupad ng mga lockdown kung maayos po ang disease surveillance. Dapat last resort ang pag-implement ng mga lockdown.”
Matagal nang isinusulong ni Villanueva ang regular, random testing sa mga lugar-paggawa dahil ang mga resulta anito ay makatutulong sa pagbalangkas ng polisya ng IATF. (ESTONG REYES)
175 