MASBATE – Nadakip ng mga tauhan ni PNP-PRO5 Director Jonnel C. Estomo ang isang kasapi ng communist terrorist group na sinasabing sangkot sa pananambang at pagpapasabog sa convoy ng mga sundalo sa Masbate, ayon sa ulat ng pulisya.
Ayon kay P/Major Malu Calubaquib, tagapagsalita ng PNP-PRO5, bandang alas-3:30 ng hapon noong Huwebes nang madakip ang suspek na si Rene Marcaida Cebu, 51, may asawa, laborer, sa bahay nito sa Brgy. Rizal, Batuan, Masbate.
Si Cebu ay isa sa itinuturong mga suspek sa pananambang at pagpapasabog gamit ang improvised explosive device (IED) sa mga sundalo ng Bravo Coy 2nd, IB, 9th ID, PA noong ika-2 ng Hunyo 2019 sa Sitio Kawayan, Brgy. Cañelas, San Fernando, Masbate.
Ang suspek ay miyembro umano ng Sangay ng Partido Lokalidad/Militia ng Bayan sa ilalim ng command ni Eliseo Cabarles alyas “Kiko,” Platoon 2, Larangan 1, Komite ng Probinsya 4, Bicol Regional Party Committee.
Si Cebu ay nahuli sa inilatag na joint operation ng 503rd MC, Regional Mobile Force Battalion (RMFB) 5 kasama ang San Fernando MPS; Batuan MPS; Masbate 1st PMFC; 96MICO, at Bravo Coy, 2nd Infantry Battalion, 9th Infantry Division.
