CAVITE – Patay ang tatlong barangay officials makaraang pagbabarilin sa gitna ng isinasagawang flag raising ceremony, ng isang dating barangay tanod at pagkaraan ay nagbaril sa sarili ang suspek sa insidenteng nangyari sa Dasmariñas City nitong Lunes ng umaga.
Pawang isinugod sa magkakahiwalay na ospital ang mga biktimang sina alyas “Raul”, barangay chairman; “Marvin”, 54, barangay kagawad, at “Jose”, 65, barangay kagawad, pawang ng Barangay Salitran 3, Dasmariñas City, subalit pawang idineklarang patay na dahil sa tama ng bala sa katawan.
Malubha namang nasugatan si alyas “Christine”, SK secretary, na kasalukuyang inoobserbahan pa sa ospital.
Kinilala naman ang suspek na si alyas “Ariel”, 50, dating tanod ng barangay, namatay rin makaraang magbaril sa sarili.
Ayon sa ulat, bandang alas-8:00 ng umaga nang mangyari ang insidente sa loob ng barangay hall ng Brgy. Salitran 3, Dasmariñas City, kung saan abala ang mga opisyal sa flag raising ceremony.
Bigla umanong lumapit ang suspek at walang sabi-sabing pinagbabaril ang mga biktima gamit ang hindi pa nabatid na kalibre ng baril. Pagkaraan ay binaril din ng suspek ang kanyang sarili.
Agad isinugod sa ospital ang mga biktima kung saan dalawa sa kanila ang idineklarang dead on arrival habang namatay habang nilalapatan ng lunas ang isa pa.
Isinugod naman sa St. Paul Medical Center ang suspek subalit idineklarang dead on arrival.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa kaso.
(SIGFRED ADSUARA)
