BATANGAS – Nadakip ng mga awtoridad ang suspek na rumatrat at tomodas sa isang lalaking naglalaro ng bingo sa Talisay, Batangas, matapos itong matukoy sa pamamagitan ng CCTV footage.
Batay sa imbestigasyon ng Talisay Police, inupahan umano ang suspek upang paslangin ang biktimang si “Gerald”, 36-taong gulang.
Nahaharap ang suspek sa kasong murder ngunit itinanggi niya ang paratang.
Samantala, kinumpirma ng pamilya ng biktima ang pagkakakilanlan ng suspek at nanawagan dito na isiwalat ang utak sa likod ng krimen.
Ayon sa Talisay Police, kalalabas lang ng suspek matapos itong magpiyansa noong nakaraang linggo para sa mga kasong illegal possession of firearms at paglabag sa election gun ban.
Noong Miyerkoles ng gabi, inasinta ng suspek sa ulo ang biktima habang naglalaro ng bingo kasama ang kanyang pamilya sa Barangay Caloocan, Talisay.
Nilapitan umano ng suspek ang biktima at nagpanggap na nag-aalok ng pagkanta ngunit bigla na lamang itong pinaputukan.
Nakumpiska mula sa suspek ang isang .45 caliber pistol na pinaniniwalaang ginamit sa krimen at ang motorsiklo na ginamit niya sa pagtakas.
Patuloy pa ring tinutugis ng mga awtoridad ang sinasabing mastermind sa krimen at ang isa pang indibidwal na nagsilbing lookout sa insidente.
Iniimbestigahan din ng mga awtoridad ang anggulong paghihiganti bilang posibleng motibo sa krimen.
(NILOU DEL CARMEN)
