SUSPEK SA PAMAMARIL SA TINDERANG LIVE STREAMER HULI

RIZAL – Arestado ang lalaking suspek sa pamamaril sa isang 23-anyos na tindera, na nasapul sa video habang naka-live stream ang biktima sa social media habang nagtitinda ng gulay sa Kenneth Road, Brgy. Sta. Ana, sa bayan ng Taytay sa lalawigan.

Ngunit itinanggi ng suspek na si alyas “Freddie”, 31, ang nasabing pamamaril at sinabing hindi siya ang nakunan sa video dahil nasa kanilang bahay lamang siya sa Angono nang mangyari ang insidente.

Noong Enero 16, 2026, dakong alas-7 ng gabi habang nagtitinda ng gulay, sapul sa video ang paglapit ng isang lalaki na naka-mask at bigla na lamang ito bumunot ng baril at pinaputukan ang biktimang si Paloma Jovillanos.

Isinugod ng mga kaanak ang biktima sa Pasig City General Hospital (PCGH).

Ayon sa pinakahuling ulat kay PCol. Feloteo Gonzalgo, Provincial Director ng Rizal PNP, selos sa trabaho ang posibleng dahilan ng nasabing pamamaril.

Dati umanong live-in partner ng suspek ang may-ari ng tindahan na pinagtatrabahuan ng biktima at lagi nitong isinusumbong ang mga kapalpakan na ginagawa ng suspek hanggang sa maghiwalay na ang dalawa.

Pinagparte-partihan na umano ng among babae at ka-live-in nito ang kanilang mga ari-arian hanggang sa tuluyan nang sa biktima na ipinagkatiwala ang mga ari-arian at iba pang negosyo.

Sasampahan ng kasong frustrated murder ang suspek na kasalukuyang nakapiit sa Taytay PNP detention facility habang hinihintay ang disposisyon ng korte.

(NEP CASTILLO)

56

Related posts

Leave a Comment